Abante Tonite Interactive

Aktor parang pader na nakaharang ang misis

By
2,909

PALAGING pinapansin ng mga taga-showbiz ang matinding pagbabantay sa isang kilalang male personality­ ng kanyang misis. Jawo kung tawagin ito ng mga katrabaho ng aktor, sobra raw kasing makaguwardiya sa hindi na bagets nitong mister ang babae, under de saya raw ba siya?

Sa mga lugar na pinupuntahan ng aktor ay palagi niyang kasama ang kanyang misis, wala namang problema du’n, karapatan niya namang isama sa kanyang mga lakad ang asawa niya.

Pero may sentimyento de asukal ang isang source, ang kanyang sabi, “Nakakailang kasi dahil palaging nakabantay ang wife niya. May mga fans tuloy na parang naiinis. Magpapa-picture nga lang naman sila du’n sa male personality, hindi naman nila aagawin, pero feeling nila, e, ganu’na ng porma ng wife ng idol nila.

“Puwede namang suma­sama siya, okey lang namang nandu’n siya, pero sana naman, kapag may mga lumalapit na sa husband niya, e, dumistansiya naman siya.

“Para hindi naiilang ang mga fans, para malaya silang nakapagpapa-picture sa male personality, para hindi sila nahihiya. Distansiya lang naman ang kailangang gawin ng wife, di ba” reaksiyon ng aming source.

May katwiran ang amin­g source, dapat pa ngang ma­ging proud ang misis ng male personality dahil sa kabila ng kanyang edad na hindi na bagets, may mga humahanga pa rin sa kanya.

“Nu’ng minsang nasa airport sila, may mga gustong lumapit sa guy para makipag-selfie, pero parang pader na humaharang ang wife niya. Wala naman siyang sinasabi, hindi niya naman pinagbabawalan ang mga gustong lumapit, pero siyempre, parang ilang na ilang ang mga may gustong magpa-picture sa husband niya.

“Lalo na ngayon, meron na namang show ang husband niya, kaya natural lang na buhay na naman ang career niya. May mga interesado na namang ma­k­ipag-pose sa male personality, di ba?

“Hindi naman kasi aagawin sa kanya ang mister niya, picture-picture lang, kanyang-kanya naman ang puso at katawan ng husband niya!” madiin pang emosyon ng aming impormante.

Joshua nagkakaroon ng attitude

PARANG garter na hi­nihila ang daloy ng kuwento ng The Good Son na magtatapos na sa susunod na linggo. Matindihan na ang mga eksena, marami nang na­mamatay, masagot lang ang tanong kung sino talaga ang pumatay kay Albert Martinez.

Kani-kanyang moment na ang mga young actors sa serye na sina Joshua Garcia, Nash Aguas, McCoy de Leon at Jerome Ponce. Pero sa kanilang apat ay walang makakakabog sa galing sa pag-arte nina Joshua at Nash.

Habang papalapit na ang pagtatapos ng kuwento ay lalong inilulublob ni Eula Valdez ang kanyang karakter bilang si Olivia sa pusali. Napakawalanghiya nito sa kuwento.

Mapangmaliit, scheming, bastos at kasumpa-sumpa.

Minsan pang ipinamalas ni Eula Valdez ang kanyang talento sa pagganap, kahit anong papel ang ipagkatiwala sa kanya ay epektibo ang aktres, masundan sana agad ang kanyang proyekto sa ABS-CBN.

Sayang lang dahil maagang pinatay ang abogadong karakter ni John Estrada, hindi rin sana pinatay agad si Mylene Dizon kung may saysay pa ang kanyang partisipasyon sa istorya, ang mga kuwento sa totoong buhay ng mga artista ng serye ay maihahanap ng kambiyo para huwag makaapekto sa palabas.

May tanong ang isang kaibigan namin kung totoo raw ang nabalitaan nito na nagkakaroon na ng attitude si Joshua Garcia. Nagpapakita na raw ng mga hindi kagandahang senyal ang magaling na young actor na pumapasok na sa kanyang ulo ang mga papuri at palakpak para sa kanya.

Ayaw naming paniwalaan ‘yun. Maaaring may mga pagbabagong nagaganap dahil sa higpit ng kanyang schedule ngayon pero hindi naman nangangahulugang lumaki na ang kanyang ulo.

At kung totoo man ang kuwento ay huwag. Sa­yang na sayang ang magagandang oportunidad na dumarating sa kanyang career ngayon. Pakinggan lang ang mga papuri at palakpak at huwag paniniwalaan.