Abante Tonite Interactive

Aktor pinaiyak ang sariling anak, nilagyan ng sili ang tsupon

By
2,822

KUNG kasutilan ang pag-uusapan ay walang makakakabog sa isang kila­lang aktor. Nuno siya ng kung anu-anong ideya, ginagagawa niyang biro lang kahit ang mga seryosong bagay, pagkokomedya dapat ang kanyang nilinyahan at hindi action at drama.

Nakakatakot magpunta sa kanyang bahay. Paglalaruan ka niya. Buksan mo ang pintuan ng CR at tiyak na mababasa ka. Nagpapatong siya ng tabo na may tubig sa ibabaw ng pintuan na kapag nagbukas ay bilang babagsak ang tabo.

Nakakatakot ding makikain sa kanyang bahay. Dinidikdikan niya ng sili ang mga putahe. Sa unang pagsubo mo pa lang ay iinom ka na agad dahil sa sobrang anghang ng mga pagkain.
Lalong nakakatakot makitulog sa bahay ng guwapong aktor. Minsang nag-inuman ang kanyang tropa at nakitulog sa kanyang bahay ay sumumpa ang lahat na ‘yun na ang pinakahuli nilang pakikitulog sa house ng magaling na aktor.

Sabi ng aming source, “Nagising silang lahat na nakatanikala na ang mga paa nila. Naigapos na sila ni ____(pangalan ng kilala at guwapong aktor). At ang pinakamasakit pa, umalis siya, iniwan niya ang mga friends niya na nakatanikala ang mga paa!” tawa nang tawang pag-alala ng aming impormante.

Ang pinakamatin­ding kuwento ay nang paglaruan ng aktor ang maliit niyang anak. Siya ang nagkusang magtimpla ng gatas ng baby, pero ang tsupon pala ay kinulapulan niya ng sili, kaya nang isubo ng bata ang mamador ay parang hinagupit ang bata sa sobrang pag-iyak.

Maloko ang guwapong aktor, nakakatakot siyang kasama, sa isang iglap lang kasi ay puwede ka na niyang maging biktima.

Katunog ng salitang panalo ang kanyang apel­yido. Ha! Ha! Ha! Ha!

Pekeng Joseph The Artist

MABUTI na lang at maagang naagapan ng sikat na sand artist na si Joseph Erwin Valerio ang kanyang problema tungkol sa mga taong gumagamit sa kanyang pangalan.

Tinanghal na kampeon ng Talentadong Pinoy si Joseph The Artist nu’ng 2011, ibang klase naman kasi talaga ang kahenyuhan niya, nakagagawa siya ng mga obra sa pamamagitan ng buhangin.

Mula nu’n ay na­ging paborito na siya ng ating mga kababayan. Iniimbitahan siya sa mga corporate party, sa mga birthday at binyagan, napakadaling kausap ni Joseph at ng misis niyang si Jane.

Nu’ng minsan ay may tumawag na client sa kanya, ang tanong nito, “Tinawagan ko ang number na nakalagay sa fanpage mo, hindi ka raw puwede, kaya ibang sand artist ang ibinibigay sa akin nu’ng kausap ko?”

Nagulat si Joseph, natuklasan niya na me­ron palang gumagamit ng kanyang pangalan, naglabas ito ng fanpage na gamit ang sarili nitong mga numero. Kapag may kumukuha sa serbisyo ni Joseph The Artist ay hindi raw puwede, hinaharang nito ang kanyang trabaho, saka nito irerekomenda ang ibang sand artist.

Kung may fake news ay may fake ding Joseph The Artist. Hindi ‘yun ang henyong anak ng sining na napakahusay sa pagbubuo ng sand art. Kailangang mag-ingat tayo sa mga taong gumagamit ng kanyang pangalan para sa sarili nilang interes.

Para hindi tayo maloko ng mga nagpapanggap na sila si Joseph The Artist ay ito po ang kanyang fanpage—Joseph The Sand Artist, ang kanyang mga numero ay makikita mismo sa cover photo niya.

Kung gusto n’yong makuha ang kanyang serbisyo ay wala ka­yong ibang pagdadaanan kundi ang kanyang official fanpage lang at ang kanyang personal FB account na Joseph Artist.