Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktres ayaw paniwalaan na sinaktan ng dyowa

0 396

Dati nang alam ng kanyang mga kapwa artista ang matinding sumpong ng isang kilalang female personality. Alam na ng mga ito kapag wala na sa tamang hulog ang babaeng personalidad sa pagdating pa lang niya sa set.

Magkasalubong ang kanyang mga kilay, nakasimangot siya na parang may naaamoy na kung anong mabaho, senyal na ‘yun na wala sa mood ang female personality.

Kapag ganu’n ay deadma lang din ang kanyang mga katrabaho, walang kumikibo sa kanya, nagpapanisan lang sila ng laway sa location.

Kuwento ng aming source, “Kahit naman sa family nila, e, lantad na ang pagiging moody niya. Kapag wala siyang ganang makipag-usap sa kahit kanino sa house nila, e, wala ring kumakausap sa kanya!

“Lumilipas ang maghapon na hindi sila nag-uusap-usap, kahit silang magkakapatid, dahil may sumpong nga ang girl! Nakakaloka ang babaeng ‘yun! Magsasalita lang siya kapag gusto niya!

“Kapag may mood swing siya, talagang deadma lang siya sa lahat! Ganu’n siya katinding sumpungin!” unang kuwento ng aming impormante.

Hanggang ngayon na meron nang asawa at anak ang female personality ay ganu’n pa rin ang kanyang ugali. Kapag may sumpong siya, deadma lang siya sa kahit kanino, may sarili siyang mundo.

Patuloy ng aming source, “Hindi rin niya kayang kontrolin ang emotion niya. Kung ano ang gusto niyang sabihin, ipino-post pa niya ‘yun! Pinahuhulaan niya sa social media kung sino ang pinatatamaan niya!

“Meron siyang palutang na malungkot na malungkot siya, gusto na raw niyang maging malaya, gusto na raw niyang maging ibon na libreng lumipad sa kahit saan niya gusto!

“At may drama pa ang girl na sinasaktan siya ng husband niya. Hindi naman ‘yun pinaniniwalaan ng mga nakakakilala sa kanya, kasi nga, e, hindi siya puwedeng basta na lang saktan dahil mas magaling siya sa self-defense!

“Siya ang maraming alam tungkol sa martial arts, ‘yun ba ang puwedeng saktan na lang nang walang kalaban-laban? Naku, napakasumpungin niya, sa totoo lang, marami siyang drama sa buhay!” naiinis na pagtatapos ng aming source.

James nakapuntos kay Kris

Nakakuha ng kakampi si Kris Aquino tungkol sa pinagpipistahang isyu ng kabadingan ni Bimby. Mismong si James Yap ang nagsabing hindi raw agi (becki) ang kanyang anak.

Kung matatandaan, nu’ng unang masaling ng broadcaster na si Jay Sonza ang pagiging malambot ni Bimby ay nagalit si Kris kay James, ni hindi man lang daw ipinagtanggol ng basketbolista ang kanilang anak.

Galit na galit si Kris, ibang tao pa raw ang nagdepensa kay Bimby, samantalang nand’yan ang ama nito na puwedeng nagtanggol sa kanilang anak.

Siguro naman ngayon ay good shot na si James Yap kay Kris, nag-isyu ng pahayag ang mismong ama ni Bimby na hindi agi ang binatilyo, napagkakamalan lang daw na malambot si Bimby dahil sa kanyang ina ito lumaki.

Na totoo rin naman. Dahil kung buo pa ang relasyon nila ni Kris ay siguradong palaging bitbit ni James sa practice at aktuwal na laban ng kanyang team si Bimby.

Sa katangkaran ni Bimby ay pakikinabangan ito sa basketball, pero dahil kay Kris nga lumaki ang kanilang anak, natural lang na kung ano ang linya ni Kris ay du’n mas magiging interesado si Bimby.

Ginagawa itong co-host ni Kris sa kanyang mga posts, nag-iinterbyuhan silang mag-ina, kung ano ang nakikita ng publiko kay Bimby ay ‘yun ang ipinangba-bash sa binatilyo.

Kung ayaw ni Kris na nalalagay sa alanganin si Bimby ay dapat na niyang iwasan ang mga bagay-bagay na maglalagay sa kanyang anak sa pamba-bash.

Sa kanya manggagaling ang aksiyon, siya ang kailangang mag-iwas sa kanyang anak sa mga pananaw na hindi positibo, makakaiwas si Bimby sa bashing kung si Kris ang unang gagawa ng hakbang.

Leave A Reply

Your email address will not be published.