Abante Tonite Interactive

Aktres baon sa utang

862

tonite-no-thanks-cristy-fermin

MAGANDA lang magdala ang isang kilalang female personality ng kanyang mga problema. Nakahaharap pa rin siya sa publiko nang nakangiti pero kung susukatin ang problema niyang pampinansiyal ay matindi ang kanyang pinagdadaanan.
Ibinebenta na ng female personality ang naipundar niyang bahay, pero mailap ang pagkakataon, mahirap magbenta ngayon ng propyedad lalo na kung milyunan ang halaga.
Kuwento ng isang source, “Hindi mo mahahalata na may bitbit siyang ma­tinding problema. Palagi pa rin siyang nakangiti, parang walang buma­bagabag sa kanya, pero maraming pagkakautang ang lola n’yo.
“‘Yung isang pinagkakautangan niya, e, parang sumusuko na sa kasisingil sa kanya. Pero pangako lang ang ibinibigay niya, ni hindi siya nakapagbabawas sa principal.
“Du’n naman sa isang inutangan niya nang kung ilang milyon, e, puro interest lang ang nababayaran niya, wala pa rin siyang nababayaran sa principal.
“Pero ang maganda sa female personality, e, hindi siya nagtatago. Kapag tinatawagan siya ng pinagkakautangan niya, e, sumasagot siya. Wala siyang mga alibi, sinasabi niya ang totoo na wala pa siyang pambayad.
“Hindi siya tulad ng iba na kapag tinatawagan, e, maid ang sumasagot na wala na siya, na natutulog pa at kung anik-anik na dahilan,” sinserong kuwento ng aming source.
Kung saan napunta ang mga inutang ng aktres ay walang nakakalaam. Isang bahay lang naman ang meron siya, wala naman siyang magagarbong sasakyan, huminto na rin siya sa pangongoleksiyon ng mga branded bags dahil hindi na niya kaya.
“Simple lang ang buhay niya ngayon, hindi na siya mahilig mag-shopping dahil ano ang ipambibili niya, ang masarap niyang ngiti na kitang-kita ang mga dimples niya?
“Kung bata-bata pa sana siya, maning-mani lang sa kanya ang mga ganyang problema sa pera! Alam na this! Kaso, may edad na siya, napakalaki pa niya ngayon,” napapailing na lang na pagtatapos ng aming source.

Kris pinagbantaan ang kasosyo

HINDI si Nicardo Falcis II, ang kinasuhan ng qualified theft ni Kris Aquino sa iba-ibang siyudad, ang humarap sa isang presscon nu’ng Huwebes.
Sa halip ay ang kapatid nitong abogadong si Attorney Jess Falcis, katuwang ni Attorney Bruce Rivera sa progra­mang Boljak ng Radyo Singko, ang sumagot sa mga tanong tungkol sa 44 counts of qualified theft na ihinain ng aktres-TV host.
Ilang buwan nang nasa Thailand ngayon si Nicko Falcis, dating ka-partner ni Kris sa KCAP, sinadya nitong umalis ng bansa dahil ayon kay Attorney Jess ay pinagbantaan ni Kris ang kanyang kapatid.
Ang sabi raw ni Kris kay Nicko, ayon kay Atty. Jess, “You, fu**ing a**hole, Nicko! Dare to step in this country and you will be dead!”
Hindi kami makikisawsaw sa pag-oopinyon kung totoo nga bang sinabi ni Kris ang ganu’n kadrastikong pahayag laban kay Nicko o hindi, ang bibigyan namin ng espasyo ay ang pagkakilala namin kay Kris Aquino nang mahigit na tatlong dekada na nga­yon, du’n kami titimon.
Ang totoo ay ikinagimbal namin ang sinasabing pagbabanta ni Kris kay Nicko. Kabisado kasi namin ang kiwal ng dila ni Kris. Kahit gaano katindi ang kanyang galit ay hindi siya nagsasabi ng mga salitang f*ck at a**hole.
Nakita na namin si Kris sa kaitaasan ng kanyang galit, ‘yung talagang pagmumura na lang ang ta­nging masasabi niya bilang deklarasyon ng kanyang emosyon, pero kahit minsan lang ay hindi pa namin siya nakikita-naririnig na magmura.
Magaling sa choice of words na bibitiwan si Kris Aquino. Kahit sa pinakakumukulong sitwasyon sa kanyang buhay ay gumagana ang kanyang utak. Maaari siyang magbitiw nang masasakit na salitang nanunugat pero ang pagmumura ay wala sa kanyang bokabularyo.
Hindi magsisinungaling ang tatlong dekada na pinagsamahan namin ni Kris Aquino. Bratinella siyang maituturing, aminado naman ang aktres na lumaki siyang super-spoiled, pero hindi talaga siya nagmumura.
Kuwestiyonable para sa amin ang mga terminong ginamit daw ni Kris bilang pagbabanta kay Nicko. Saka bakit kasi ang abogado nitong kapatid ang sumasalo sa lahat-lahat? Bakit hindi ito umuwi para harapin ang mga bintang sa kanya ni Kris?
Paano mareresolbahan ang isang problema kung sumusulong ang isa at umuurong naman ang isa pa?
Kailangang magkita sila sa gitna, kailangang umuwi si Nicko, tutal naman ay napakaganda ng pundasyon ng kanilang pagkakaibigan ni Kris Aquino.
‘Yun pa lang ay matinding garantiya nang matutuldukan ang pinagpipistahang asuntong ito.