Abante Tonite Interactive

Aktres basurerang naglalagay ng noseline

518

May iba-ibang huwisyo ang mga artista para panatiliin ang kanilang kagan- dahan. Meron silang beauty secret na matatawag, hindi kumpleto ang kanilang ganda kapag hindi nila ginawa ang isang bagay na nakasanayan na nila, basta!

May isang singer-actress na malakas gumamit ng lipstick. Magastos siya sa pampahid sa kanyang mga labi. Kahit nasa bahay lang siya ay nakasanayan na niyang naka-lipstick dahil ang pakiramdam daw niya ay hindi siya maganda.

Pero mas kuwela ang kuwento ng aming impormante tungkol sa dalawang female personalities na hindi makahaharap sa mga camera nang walang noseline.

“Pareho lang na nagpa-nose job na ang dalawang female personalities na ‘yun! Pero ganu’ng nagpaa-yos na nga sila ng ilong, e, kung bakit hindi pa rin sila mapakali nang hindi nagno-noseline.

“Nakakaloka sila! Kapag humaharap sila sa mga camera, e, nakahanda ang mga armas nila! ‘Yung middle at index fingers nila, e, ipinapahid muna nila sa brown noseliner!

“Kung minsan, ang akala ng mga nakatingin sa kanila, e, hinahaplos lang nila ang ilong nila, wala silang kaalam-alam na may brown noseliner ang mga daliri nila!

“Haplos kung haplos sila ng ma-kabilang gilid ng mga ilong nila para magmukhang matangos na matangos!” super-halakhak na kuwento ng aming source.

Ang isa sa dalawang aktres ay bumida nu’n sa isang seryeng anak-mahirap ang role na ginagampanan niya. Nakatira sila sa isang lugar na tambakan ng mga basura, ‘yun ang trabaho ng kanyang pamilya, mga basurero sila.
Patuloy na chika ng aming impormante, “Nakakalokah ang babaeng ‘yun! Basurera siya, ha, pero naglalagay pa rin siya ng noseline! E, nakita siya ni directed by, kaya tinilian siya!

“Sabi ni direk, ‘Ano ka ba naman, ____(pangalan ng female personality)! Mahirap ang role na ginagampanan mo! Basurera ka nga, hindi ba? E, bakit ka naglalagay ng noseline?’

“Nakakaloka! Namumulot siya ng mga basura, kailangang matangos pa rin ang niretoke na ngang ilong niya?” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.

Bwaha! Ha! Ha! Ha!

Gretchen binuska ulit si Kris

Na-miss siguro ni Gretchen Barretto ang ipinakakaing mapait na ampalaya sa kanya ng mga bashers. Matagal-tagal na panahon din siyang pinagpahinga ng mga umuupak sa kanya sa social media.

Pero buhay na buhay na naman ang mga bashers na parang mga bampirang gustung-gusto ng dugo, balik-bira na naman sila kay Gretchen, dahil lang sa pagbati niya kay Nicko Falcis sa pananalo sa kasong isinampa laban dito ni Kris Aquino.

Maligayang bati, sabi ng sutil na si Gretchen, sa bandang huli talaga ng laban ay ang nasa tama at walang kasalanan talaga ang nagwawagi.

Ang kanyang tinutukoy ay ang asuntong estafa na isinampal ni Kris kay Nicko Falcis na ibinasura ng piskalya ng Maynila. Ang sabi sa resolus-yon ay hindi napatunayan ng aktres-TV host na nagnakaw nga at nagdispalko nang kahit magkano si Nicko mula sa kumpanya ni Kris.

Isa si Gretchen Barretto sa mga unang-unang bumati kay Nicko Falcis, ipinagbunyi niya ang panalo nito sa kaso, nakasilip uli ng butas ang namamahingang aktres para buskahin si Kris.

Sa pitong kasong isinampa ni Kris laban kay Nicko ay tapos na ang lima, ang dalawang naiiwanan na lang ay ang naka-file sa Taguig at sa Quezon City, absuwelto si Nicko sa limang asunto.

Siyempre’y hindi bibigyan ng panahon ni Kris Aquino ang mga patutsada ni Gretchen Barretto. Hinding-hindi. Dahil kapag ginawa ‘yun ng aktres-TV host ay siguradong maghuhuramentado si Gretchen at maraming kuwentong mauungkat na hindi magugustuhan ni Kris.

Care bears na lang, madalas sabihin ni Kris, para matuldukan na lang ang kuwento.