Abante Tonite Interactive

Aktres di totoong pinagkaperahan ang mga regalo

2,533

Dinepensahan ng isang source ang kuwentong kaya palaging walang make-up ang kaibigan nitong pamosong aktres ay dahil ibenebenta niya ang mga inireregalong make-up kit sa kanya.
Dahil daw sa matin­ding pangangailangan ng female personality ay ginagawa niyang pera ang mga regalong tinatanggap niya mula sa kanyang mga kaibigan at taga­hanga.

Pagpapatotoo ng aming­ source, “Tamad lang talaga siyang mag-make-up. Marami siyang kagamitan, pero dahil tamad siyang mag-apply, lumalabas siyang walang kahit anong kolorete sa mukha.

“Sa tagal na rin siguro niyang nag-aartista, e, kinatamaran na niya ang pagme-make-up. Sabi siguro niya, may make-up man siya o wala, e, kilalang-kilala naman siya, kaya bakit pa?

“Kalokohan ‘yung lumabas na kuwentong ibinebenta ni ____(pangalan ng kila­lang female personality) ang mga inireregalong make-up kit sa kanya nang palugi. Hindi totoo ‘yun, tamad na tamad lang talaga siyang mag-make-up,” depensa ng kaibigan ng kilalang aktres.

Hindi lang daw ‘yun kinatatamaran ng kanyang kaibigan, walang-wala rin siyang hilig sa pagpunta sa salon para magpaayos, kahit ang pagpunta sa mga skin clinic ay hindi rin niya gustong ginagawa.

Patuloy ng ­aming impormante, “Hindi kasi siya vain. Hindi siya mabusisi sa katawan. Kung ano ang itsura niya, e, ‘yun na ‘yun! Lalong hindi siya mahilig magpasa­lamat po, doktor!
“Wala naman kasing aaregluhin sa face niya. Ang ganda ng nose niya, ang ganda-ganda ng mga mata niya, kaya bakit pa siya mag-a-undergo ng operation?

“‘Yun lang ‘yun, tinatamad lang talaga siyang mag-make-up, hindi totoong pinagkakaperahan niya ang mga inireregalo sa kanya dahil sa tindi ng kanyang pangangailangan,” paglilinaw pa rin ng aming source.

***

Sunshine, Kathy sinira ng datung

Sina Sunshine Cruz at Joel Cruz lang ang mapapansing sinentruhan ng negosyanteng si Kathy Dupaya sa kanyang pagpapainterbyu. Talagang pinaiimbestigahan pa niya sa BIR kung paano at bakit yumaman si Joel Cruz.

Isinumbat niya naman kay Sunshine ang lahat ng kagandahang-loob na nagawa niya nu’n, kasama na ang mga branded stuff at mga biyaheng ayon kay Kathy ay siya ang gumastos sa lahat-lahat, kaya itinutu­ring niyang walang utang na loob ang aktres.

Galit na galit si Kathy dahil nabaligtad na raw ang kuwento. Tinatawag siyang scammer ngayon, samantalang milyun-milyon ang kinita ng mga personalidad na nagrereklamo ngayon laban sa kanya, sinira raw ng mga ito ang kanyang pangalan at imahe.

Magkaibigan sina Sunshine at Kathy Dupaya, malalim na ang kanilang pinagsamahan, nakapanghihinayang na pera lang naging dahilan ng pagkasira ng kanilang magandang relasyon.

Lumalabas ngayon sa mga pahayag ni Mrs. Dupaya na palagi silang bumibiyahe ni Sunshine na siya ang taya sa lahat-lahat ng gastos. May nakaladkad pang kuwento tungkol sa mga grocery, allowance, ang dami-daming isinumbat ng businesswoman sa dating misis ni Cesar Montano.

Naiintindihan naman ng marami ang bigat ng isang porsiyento kada araw na sinisingil sa kanya ni Joel Cruz. Sa mabilisang pagkukuwenta ay mas masahol pa raw ang negosyante sa pagpapautang ng mga Bombay.

One percent per day. Parang utangan sa casino na two percent naman. Napakalaking patong kung tutuusin, hindi raw nabasa ni Kathy Dupaya ang kontratang pinapirmahan sa kanya ni Joel Cruz, wala rin siyang kopya ng dokumento.

Mahabang-mahaba pa ang tatakbuhin ng senar­yong ito pero ngayon pa lang ay naglalabasan na ang mga istorya na ang kauuwian ay ang kagustuhang magkamal ng salapi sa mabilisang paraan.