Abante Tonite Interactive

Aktres, female singer walang balak magbayad ng utang

480

ROMMEL PLACENTE: Malaki ang kinikita ng mga artista, lalo na ‘pag sikat. Malaki ang talent fee nila ‘pag kinukuha sa pelikula, serye o endorsement, ‘di ba? Gaya ni Vice Ganda dahil sikat, mayaman na siya, ipinangangalandakan nga niya na isa na siyang milyonaryo. At ‘yun naman daw ay dahil sa hard work. Work-to-death naman kasi talaga ang beauty ng komedyante, hangga’t kaya niya ay work siya nang work. Sinasamantala niya na marami ang kumukuha sa kanyang serbisyo. Paano na kasi kung wala na, ‘di ba?

Pero si Vice, marunong sa buhay. Alam niya kung paano niya pahahalagahan ang perang kinikita. May mga business siya na ‘yung iba ay solo siyang may-ari at ‘yung iba naman ay kasosyo ang mga malalapit niyang kaibigan sa showbiz.

Kung sakaling matapos na ang kasikatan ng Unkabogable Star, na nangyayari naman sa lahat ng artista na sumikat, at least, may fall back siya at hindi maghihirap.

Meron kaming kilalang mga artista at singer, na ‘yung iba ay sumikat at ‘yung iba naman ay hindi gaanong sumikat pero kumikita pa rin ng malaki dahil mahal naman kasi talaga ang bayad sa mga celebrities.

Pero hindi nagawang makapag-ipon kaya nu’ng time na hindi na sila in demand ay naghirap na at nagagawa na nilang mangutang sa mga kasamahan nila sa industriya.

At ang masaklap pa nito, hindi naman nila nagagawang bayaran ang utang nila. Kaya naman ‘yung mga inutangan nila, nagagawa silang ikuwento sa iba, na nagiging kasiraan tuloy nila.

At hindi naman natin masisisi ‘yung mga inutangan nila. ‘Yung isa ngang singer-komedyana na nangutang ng 150K sa isang kaibigan, hanggang ngayon, tatlong taon na ang nakararaan ay hindi pa rin nagbabayad.
Ang mga celebrity kasi ay dapat marunong humawak ng pera, magawang mag- ipon habang kumikita.

MILDRED BACUD: Agree naman ako sa sinabi mo friend Rommel. Pansin ko nga parang sa panahong ito mas nakakaipon ang mga artista kumpara noon. Maraming bata pa lang, may bahay na like Gerald Anderson, Alden Richards, Daniel Padilla, Kim Chiu, Joshua Garcia at marami pang iba.

Ang management kasi nila ay nakikialam na how they will handle their finances. ‘Yung tamang pag-iipon ng pera. Kadalasan na walang pera ay mga artista no’n na ‘yung iba nga nagtitinda na lang ng prutas, naglalabandera, nakikitira at namamasukan. Kaya nga hanga ako kay Coco Martin mga ka-Cuatros, may malasakit siya sa mga artistang nangangailangan ng tulong like Whitney Tyson na nakatira sa ilalim ng tulay, CJ Ramos na nakulong dahil sa masamang bisyo, Mystica na nanawagan pa kay Coco para magkatrabaho at marami pang artista na wala nang career. Sayang lang si Julio Diaz na tinulungan din pero nawala na naman.

Lesson na ito sa mga artista ngayon. Ingatan ang pera. Hindi forever sikat at kumikita.

RODEL FERNANDO: Hindi na nga mabilang ang mga artista na hindi sininop ang kanilang mga kita sa showbiz kaya ang ending ay naghihirap sila. Kalaunan ay nanghihiram. Isa na rito ang isang aktres na nangutang ng pera sa isang beteranang aktres na hanggang ngayon ay hindi pa niya binabayaran o wala na yatang balak ibalik ang inutang niya.

May isa ring aktres na dahil sa kawalan talaga ng project at walang kita ay napilitan itong mangutang sa kaibigan niyang aktres. Pero ang maganda sa kanya nu’ng siya ay magkapera ay ibinalik niya ang kanyang hiniram. Bagay na ikinatuwa ng pinagkautangan niya kaya nu’ng umutang uli ay hindi siya napahiya. Kabaligtaran ito sa isang aktor na lahat ng inutang niya sa isang aktres ay wala siyang naibalik. As in, sunod-sunod pa kung mangutang siya.
Ginawa niyang palabigasan ang aktres lalo na nu’ng panahon na wala siyang trabaho. Over sa panggagamit ang aktor na ito at halos umabot sa milyon ang atraso niya pero deadma lang.

RONA AVECILLA: Kaya bilib rin ako sa mga young artist na inuna ang magpundar ng properties at negosyo. Totoo naman na mas wais na ang mga artista ngayon kaysa noon.

Mas malaki rin kasi ang TF ngayon ng mga artista lalo na sa mga out-of-town shows, mga endorsement, kaya nakakapag-ipon sila. Dati, makakakuha ka ng sikat na artista sa isang show na 20K ang TF. Ngayon, mababa na ‘yung P150K para mapaakyat mo sa entablado. Presyong kaibigan pa ‘yan sa artistang medyo kilala lang. ‘Yung mga super sikat, milyon na ang TF.

Kung nakakabilib ang mga young artist na marurunong sa bahay, mas humahanga ako sa mga artistang tumutulong sa kapwa artista. Gaya na lang ni Ara Mina na bukas-palad na pinatira sa condo niya si Deborah Sun. Sinuportahan din niya ang pangangailangan nito nang walang hinihinging kapalit.