Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktres ginagamit ang controversial female personality

0 758

Napansin ng mga miron na magaling pumaraan ang isang female personality para siya mapag-usapan. Mahalaga ang publisidad para sa mga artista. Sa ganu’ng paraan ay nasa gitna sila ng aksiyon.

Pero walang masyadong puwedeng pag-usapan tungkol sa female personality, nagkaroon lang naman ng ingay ang kanyang pangalan dahil sa isang seryeng pumatok sa manonood, bukod du’n ay wala na.

Kuwento ng aming source, “Pero meron pa siyang isang claim to fame! Siya ang bestfriend ng isang controversial female personality! Kini-claim niya ‘yun!

“Kapag may bagong kuwento tungkol du’n sa babaeng palaging kontrobersiyal dahil sa lovelife niya, e, ang girl na ito agad ang nakakaeksena!

“Siya ang nagkukuwento ng mga latest chika tungkol sa controversial actress, siya ang speaker of the house, kaya marami syang publicity!” umpisang kuwento ng aming source.

Bakit nga naman, sabi siguro ng female personality, kung sa ganu’ng paraan siya mapag-uusapan palagi ay bakit hindi siya makikisakay?

“At ganu’n nga ang palagi niyang ginagawa, makikipag-bonding siya sa friend niya, tapos, siya ang magkukuwento tungkol sa buhay ng kaibigan niya!

“Marami nga namang interesado sa lovelife ng kaibigan niya, kaya sakay naman siya nang sakay, talagang ginagamit niya ang mga isyung ‘yun para sa libre niyang publicity!

“E, wala naman kasing ibang puwedeng mapag-usapan tungkol sa kanya, e! Kundi pa nga siya napasama sa isang serye kung saan sila pinagsasabong ng isang magaling na aktres, e, mapagkukuwentuhan ba naman siya?

“So, ano ang pinakamagandang paraan para magkaroon siya ng espasyo sa mga tabloids? E, di ang magkuwento siya nang magkuwento tungkol sa controversial lovelife ng kaibigan niya?

“Ayos nga naman, palagi siyang may free promo, pinag-uusapan siya palagi, kesehodang buhay naman ng kaibigan niya ang paraan nu’n!

“Aling Charing, bulok na ang saging!” humahalakhak pang pagtatapos ng aming impormante.

KathNiel inalat ang negosyo

Maraming artistang nagnenegosyo na muling naapektuhan ng pagdedeklara ng MECQ. Patay ang kanilang hanapbuhay nu’ng magkaroon ng lockdown dahil ang nilinyahan nila ay kontra sa itinatalagang social distancing ng DOH.

Tulad na lang ni Kathryn Bernardo na maraming sangay ng kanyang nail spa. Ipinasarado sila nu’ng panahon ng ECQ. Pati ang barberya ni Daniel Padilla ay sarado rin, walang pumasok sa kanilang kaban sa kabuuan ng lockdown, tulog ang kanilang puhunan.

Nang sumailalim sa GCQ ang NCR at mga kalapit na probinsiya ay nagkaroon sila ng pagkakataong magpatuloy sa kanilang negosyo, sumisipa na uli ang kanilang negosyo, pero inalat na naman sila nang ideklara ang MECQ.

Sarado na naman ngayon ang mga parlor, spa, gym, barberya at iba pang mga negosyong pinagdududahan ng DOH na hindi napapanahon dahil sa pagdadagdag ng numero ng mga kinakapitan ng COVID-19.

Nasagasaan din ang negosyo ni Karla Estrada, kung kailan naman ipinasarado ang kanilang network ay saka pa sumabay ang indulto sa kanyang mga parlor, malaking tulong sana ‘yun sa mga nawalan ng trabaho.

Matindi ang naging epekto ng pandemya sa linya ng pangangalakal. Maraming negosyo nang nagsasarado ngayon, maging mayayaman ay umaaray na, dahil wala na nga silang kinikita ay tuloy pa rin ang suweldo ng kanilang mga tauhan.

Ayon sa pangulo, baka raw sa Disyembre ay magkaroon na ng bakuna para sa coronavirus. Baka pa lang ‘yun, wala pang katiyakan, kaya huwag muna tayong umasa na magiging maigsi na lang ang panahon ng ating pagsasakripisyo.

Basta kapit lang, hawak lang nang mahigpit, kaya nadiskubre ang tuldok ay bilang senyal ng pagtatapos ng bawat kuwento.

Leave A Reply

Your email address will not be published.