Abante Tonite Interactive

Aktres isinoli ang hulugang alahas

0 1,085

Bawian-solian. Sa ganu’n umiikot ang kuwento ng aming source tungkol sa isang maganda at kilalang female personality na kumuha ng hulugang alahas para sa kanyang yayamaning role sa isang katatapos lang na serye.

Impernes, ayon sa aming impormante ay hindi naman ang female personality ang kusang nangutang, ang alahera ang nagtulak sa kanya na kumuha ng paiyakang set ng alahas na magagamit niya sa taping ng serye.

Kuwento ng aming source, “Nagkita kasi sila ng alahera sa isang party, ang bungad sa kanya ng jeweler, ‘Uy, ang yaman-yaman ng role mo sa chuchu, kailangang hindi ka nagpapakabog sa mga kaeksena mo, kaya kumuha ka na sa akin ng mga alahas!’

“Sabi naman ng female personality, ‘Naku, hindi po ako prepared! Wala po sa budget ko ‘yan! Saka na lang po ako bibili sa inyo!’

“Ang sabi naman sa kanya ng alahera, ‘Naku, huwag mong intindihin ‘yun! Kumuha ka na, bayaran mo na lang ako kapag may datung ka na!’ So, kumuha naman ng isang set ang kilalang female personality!

“Heto na. Dalawang buwan na ang nakararaan, pero hindi pa nakapaghuhulog ang girl. Tinawagan siya ng alahera, ‘Ano na? Two months na, a? Wala ka pa ring hulog sa kinuha mong set ng alahas?’

“Buwelta ng girl, ‘Yun na nga po, tita, sabi ko naman sa inyo, e, hindi ako prepared. Kung okey lang po sa inyo, e, ibabalik ko na lang ang alahas.’

“Tinanggap naman ng jeweler ang pagsosoli niya, pero naloka ang girl, dahil ang sabi sa kanya ng alahera, ‘Hindi naman puwedeng basta isosoli mo na lang ang alahas, kailangang magpadala ka sa akin ng fifty thousand, kasi, napapanood kita, dalawang buwan mong isinuot sa chuchu ang mga alahas ko!’

“Para wala nang usapan, e, nagpadala nga ng datung ang girl sa alahera, hindi bale nang siningil siya sa paggamit niya, kesa naman sa idaldal ng alahera sa buong mundo ang naging transaksiyon nila!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Aray ko!

Jhong pinatay sa ‘Ang Probinsyano’

Tapos na ang kawalanghiyaan ng salot sa lipunan na si Homer­ Adlawan sa Ang Probinsiyano. Sinaksak siya ng basag na bote ni Ricardo Dalisay pagkatapos ng madugo nilang engkuwentro, bumagsak si Alakdan, namatay siyang nakadilat ang mga mata.

Ang galing-galing ni Jhong Hilario sa serye, tumakbo nang mahabang-mahaba ang kanyang role bilang upahang mamamatay-tao ng mga pulitiko, sagad sa buto ang kanyang kawalanghiyaan bilang bayarang killer.

Nakuha ni Jhong Hilario ang atensiyon ng publiko bilang kontrabida dahil kung gaano siya kahusay sa pagpapaindayog ng kanyang katawan bilang dancer ay ganu’n din siya kagaling na aktor.

Matindi ang poot sa kanya ni Cardo dahil ang grupo ni Adlawan ang pumatay sa kanilang anak ni Alyanna (Yassi Pressman). Matagal na siyang hinahanap ni Cardo at ng grupong Vendetta at sa wakas ay nagkrus din ang kanilang landas.

Hindi kalimut-limot ang role ni Jhong bilang si Alakdan sa seryeng sinusubaybayan­ ng buong bayan. Laging­ hinihintay ng manonood ang kanyang pagkamatay, pero para siyang pusa na may siyam na buhay, madulas din siyang parang palos kaya lagi siyang­ nakalulusot.

Tanong sa amin ni prop, “Kailan naman kaya mamamatay si Marco (JC Santos) na ubod nang yabang? Mamatay na rin sana siya, napakawalanghiya niya! At sina (Edu (Manzano) at John (Arcilla), matodas na rin sana sila!

“Mga anay sila ng lipunan, sagad na sagad na ang kasamaan nila, kailangan na silang lipulin ni Dalisay!” sobrang apektado pang reaksiyon ng kaibigan naming propesor.