Abante Tonite Interactive

Aktres itinatago sa baul ng male personality

400

“ANG babae sa dilim.” Ganu’n kung ilarawan ng marami ang isang magandang female personality na ni hindi mailantad sa publiko ng kanyang karelasyong sikat na male personality.

Maraming naaawa sa kanya, maraming nakikisimpatya sa kanyang sitwasyon, ano raw kaya ang tunay na dahilan kung bakit hindi mapanindigan ng kanyang boyfriend ang magandang aktres?

Sa isang umpukan ay may nagsabi, “Nakakaawa naman talaga siya. Open secret naman ang relasyon nila, maraming kasamahan nila ang nakakaalam ng tungkol du’n, pero bakit nga kaya hindi siya maamin publicly ng boyfriend niya?

“Habampanahon na lang ba siyang tatawaging ang babae sa dilim? Aba, palaban din naman ang babaeng ‘yun, ‘di ba? Hindi kaya isang araw, e, bigla na lang siyang lumabas na nagsisisigaw tungkol sa sitwasyon niya?” komento ng source.

Kung minsan daw talaga ay mas maganda pa kung tutuusin ang role lang na ginagampanan ng personalidad kesa sa totoong buhay.

Komento naman ng isa pang source, “Mabuti pa nga ‘yung ka-partner ng male personality sa isang serye at nailalantad niya! Nagyayakapan pa sila, nagtatabi sa pagtulog sa mga eksena, samantalang ‘yung tunay niyang girlfriend, e, nakatago lang sa baul!

“Napakalaki ng advantage nu’ng girl na kasama sa serye nu’ng male personality, napakalaya nilang nakapagyayakapan na minsan tuloy, e, pinagdududahan na ng televiewers na hindi na basta role lang na ginagampanan nila ‘yun, kundi pati sa likod ng mga camera, e, sila na talaga!” madiing sabi ng impormante.

Masyadong malihim ang male personality, pero lumulutang din naman ang mga sitwasyong hindi niya nababantayan, kaya maraming nagsusulsol sa tunay niyang girlfriend na lumabas na para isigaw ang katotohanan.

Ganu’n!

Alden humagulgol sa bangkay ng lihim na minahal

MARAMING tagapanood ng The Gift ang palaging nabibitin sa gabi-gabi nilang pagtutok sa serye. Palaging may matinding sorpresa ang palabas ni Alden Richards tuwing nagtatapos ang bawat episode.

Sabi ng kaibigan naming si Liza, “Sayang! Nagtagpo na nga sina Sep at Nadia, mahawakan lang niya ang kamay ni Jean, e, magkakaroon na siya ng pangitain na ‘yun ang tunay niyang ina, pero sampal pa ang inabot ni Sep!”

Pinagbibintangan kasi si Sep na pumatay kay Faith, mabuti na lang at naitago ni Mikee Quintos ang suot na bracelet ni Jared nang sakalin-patayin nito ang dalaga, kaya ‘yun ang makapagsasalba kay Sep sa laban.

In fairness, magaling na kontrabida si Martin del Rosario, wala itong pinipiliing role dahil bida-kontrabida ay naitatawid nito.

Sabi naman ng isang kaibigan naming talagang tumututok sa The Gift gabi-gabi, “Ang kapal ng mukha ng Jared na ‘yun! Nakahaharap pa siya sa kabaong, e, siya naman ang pumatay kay Faith!

“Nakakabuwisit din si Cheska Diaz, wala siyang magandang nakikita kay Sep, magsama sila ng ipinagtatanggol niyang mamamatay-tao naman!” komento ng kaibigan namin.

Hindi naliligaw sa pag-arte si Alden, hindi mo siya mabubutasang humihiwalay sa kanyang papel bilang bulag, lalo na ang kanyang mga mata na krusyal sa ginagampanan niyang role.

Pinalakpakan ng publiko ang ipinakita niyang pag-arte nang yakapin niya nang humahagulgol ang bangkay ng lihim niyang minamahal na si Faith.

Simple lang ang kanyang atake, pero tumatawid sa puso ng manonood, hindi na nga basta guwapo lang ang Pambansang Bae kundi tunay na siyang aktor na maituturing.

Maayos ang daloy ng kuwento ng serye, pinag-aaralan ng mga scriptwriters nito ang pagsasalansan ng mga pangyayari, gabi-gabi ay nag-iiwan sila ng isang eksena sa bandang huli na siguradong aabangan ng manonood.

Pitong oras ang diperensiya ng oras natin sa Europa, pero maraming kababayan natin ang talagang sumusuporta kay Alden Richards sa The Gift, hindi kumpleto ang kanilang maghapon kapag hindi nila napapanood ang serye ng Pambansang Bae.