Abante Tonite Interactive

Aktres mahilig bumili ng gulay, prutas na malapit nang mabulok

By
315

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Nakakaaliw ang kuwento ng isang source tungkol sa isang female personality na masyadong mapagharimunan sa buhay. Kaya niya namang bumili ng mga pagkaing sariwa pero hindi niya ‘yun ginagawa.

Merong suki sa isang kilalang palengke ang aktres, du’n siya bumibili ng mga prutas na meron nang mga patse-patse, saka mga gulay na hindi na sariwa kaya ibi­nebenta na lang nang palugi na.

Kuwento ng aming source, “Ang palagi niyang sinasabi, ang mga prutas daw na medyo sira na ang kalahati pero buo pa naman at puwede pang kainin, e, para raw sa mga alaga niyang ibon.

“Ang mga gulay raw namang hindi na sariwa, pero puwede pa rin namang pakinaba­ngan, e, ipinakakain niya sa mga alaga niyang kuneho at baboy.

“So, iniwanan niya ang number niya sa suki niya, kapag me­ron nang mga prutas at gulay na medyo nalalanta na at nasisira na, e, tinatawagan na siya.

“Nagpupunta siya mismo sa market, siya ang kumukuha ng mga lanta nang gulay at malapit nang mabulok na prutas, pinipilian niya kasi ang mga iniaalok sa kanya,” simulang kuwento ng aming source.

Heto na. Isang hapon ay dinalaw siya nang biglaan ng isang kumare niyang artista rin. Naabutan nitong hiwa nang hiwa sa kusina si female personality.

“Nakita niya si kumare na hinihiwa ang mga prutas, itinatapon niya ang parteng sira na, pero may lalagyan siya ng mga part na buo pa at puwedeng kainin.

“Tanong ng kanyang kumare, ‘Bakit hindi ka na lang kasi bumili ng mga buo pa? Bakit mo pinagtitiyagaang tanggalin ang part na sira na?’

“Ang sagot ng female personality habang hiwa nang hiwa, ‘Mare naman! Napakahirap ng buhay ngayon, ang laki-laki ng difference ng presyo, ha? Itong mga may patse-patse nang prutas, halos ipamimigay na lang sa akin!’

“Nakakaloka ang kakuriputan ng babaeng ‘yun! Sobrang mapagharimunan siya! At may korona sa ulo ang female perso­nality na ‘yun, ha?” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.

Ai-Ai binira ng mga kakampi ni Kris

Tumutulay sa alambre nga­yon ang mga artistang tutok sa social media. Kahit wala namang intensiyong mali ang nagpo-post ay hinuhusgahan. Ipinapako sa krus nang agaran.

Tulad na lang ni Ai-Ai delas Alas. Nag-post siya tungkol sa pagpapatawad. Wala siyang intensiyong magpasaring kahit kanino, basta ‘yun lang ang naisipan niyang i-post, pero pinakain siya ng ampalaya sa social media.

Ipinalagay ng iba na si Kris Aquino ang kanyang pinariringgan, maysakit na raw ‘yung tao ay ginaganu’n pa niya, natural lang na nawindang ang Comedy Concert Queen.

Ang buod ng kanyang post ay hindi tayo magkakaroon ng katahimikan ng kalooban hanggang hindi tayo natututong magpatawad, hanggang hindi natin pinatatawad ang ating sarili, pati ang mga taong nasaktan natin.

Totoo naman ang kanyang post. Napakaliit ng ating puso para punuin pa ng galit at poot. Mas magandang magpatawad na lang tayo kesa sa kimkimin pa ang galit na hindi nagbibigay sa atin ng katahimikan ng kalooban.

Sana ay marunong ding mag-research ang mga taong napakabilis humusga ng kanilang kapwa. Maa­yos na ang relasyon nina Kris at Ai-Ai. Ilang taon na silang nagkapatawaran.

Nu’ng minsan ngang mangibang-bansa si Kris ay tinanong pa ng aktres-TV host ang kanyang kaibigan kung anong pasalubong ang gusto niya. Bukas ang kanilang komunikasyon.

Wala na bang karapatan ngayon ang kahit sinong mag-post ng gusto niya? Bago siya mag-post ay kailangan muna ba niyang maging praning sa pag-isiip na baka sa ipo-post niya ay may tamaan at magalit sa kanya?

Isang malawak na bakuran ang social media na bukas para sa lahat. May kalayaan ang bawat isa na mag-post ng kung ano ang gusto niya.

Pero ibang usapan na rin siyempre kung ang social media ay ginagamit sa negatibong paraan para makapanakit lang ng kanyang kalaban.