Abante Tonite Interactive

Aktres mahirap pakibagayan

1,402

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Kahit ang kanyang mga katrabaho ay hirap din sa paghuli ng kanyang ugali, kailangan muna nilang kapain kung ano ang mood ng magandang aktres, dahil baka mali ang kanilang tiyempo.

Kung palaging sinisisi ang habagat kapag umuulan kahit wala namang bagyo ay palaging nakakaladkad ang airport sa mga blind items. Pampubliko kasi ang lugar, maraming kababalaghang nagaganap, maraming ki­lalang personalidad ang bumibida sa mga kuwentong hindi kagandahan.

Kuwento ng aming source, “Bibiyahe sila nu’n ng boyfriend niyang artista rin. Hindi naman siya mukhang pagod at puyat, maganda naman ang aura niya, kaya lalapitan na sana siya ng isang grupo para magpa-picture sa kanya.

“Biglang hinila ng girl ang boyfriend niya, halo­s pakaladkad pa nga ‘yun, e! Iniwasan niya ang grupong papalapit na sa kanya. ‘Yung guy, parang gustong bumalik para pagbigyan ang mga fans.

“Pero tiningnan siya ng girl, wala nang nagawa ang male personality kundi ang sumunod na lang sa gustong mangyari ng girlfriend niya!” umpisang kuwento ng aming kakuwentuhan.

Pero hindi pa rin nawalan ng lakas ng loob ang grupo, sinundan pa rin ng mga ito ang magkarelasyon, hoping na magtatagumpay pa rin silang makapagparetrato sa ma­gandang aktres.

Patuloy ng aming source, “Naloka sila dahil naglabas na ng kanyang mga props ang girl. Malapad na shades, para kunwari’y antok na antok siya, habang nakikipag-holding hands sa boyfriend niya.

“Nu’ng sumenyas ang grupo para sa picture takin­g ay sumagot ang male personality sa pamamagitan ng pagsenyas din na antok na antok na raw kasi ang girl. Hindi naman siya makatayo, baka magising ang nagtutulug-tulugan niyang girlfriend! Nakakaloka!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source na paborito ang klase ng isdang maliliit na halos kapangalan ng magandang aktres.
***

John Lloyd tumaba sa Cebu

Pamilyar na ang mga Cebuano nga­yon kay John Lloyd Cruz. Kung dati’y dumadalaw lang ang sikat na aktor sa lugar para mag-show, ngayon ay itinutu­ring na nilang adopted son si Lloydie, dahil du’n na sila magbubuo ng mundo ni Ellen Adarna.

Nakita si Lloydie ng mga kaibigan namin sa downtown. Bumibili siya ng pagkain, kaya habang naghihintay sa kanyang order, sinamantala naman ng grupo ang pagpapa-picture sa paborito nilang aktor.

“Hindi naman totoo na kapag may lumalapit sa kanya, e, lumalayo si Lloydie. Bakit naman kami? Nagpa-picture siya sa amin, mabait siya, kinausap pa nga niya kami,” sabi ng aming source.

Balitang nagpapatayo na ng bahay nila sa Cebu sina Lloydie at Ellen, paboloso raw ang bahay, malaki at maganda ang design.

Pero siguradong hindi pa rin iiwanan ni John Lloyd ang kanyang career, nagpapalamig-lamig lang siguro siya sa Cebu, pero babalikan niya pa rin ang pag-arte.

At palagi namang may nakalaang espasyo ang mga kababayan natin sa isang tulad ni JLC na may iniwanang marka nang magdesisyon siyang magpahinga, panalo pa rin ang kanyang pagbabalik, sakaling gustuhin na niyang harapin uli ang kanyang karera.

Sabi pa ng aming kaibigang sa Cebu na naninirahan, “Huwag sana siyang magpataba nang husto. Kasi, di ba, kapag nagiging tatay na ang artista, nagmumukhang tatay na talaga?

“Medyo tumaba kasi si Lloydie, pero guwapo pa rin siya,” kinikilig na kuwento ng aming source.