Abante Tonite Interactive

Aktres malakas ang armas na isasampal sa nanggugulong girl

By
3,354

May umuugong na kuwento ngayon sa apat na sulok ng lokal na aliwan. Mukhang mababaligtad ang mga baraha dahil nagsimula na palang mangalap ng mga ebidensiya ang kampo ng isang kontrobersiyal na female personality para isampal sa isang babaeng nanggugulo ngayon sa kanyang personal na buhay.

Ang dahilan pala ng pananahimik ng babaeng personalidad ay makabuluhan. Meron pala siyang mga nakukuhang impormasyon na walang karapatan ang non-showbiz girl na ipahiya siya sa publiko at yurakan ang kanyang pagkatao.

Lumulutang na nga­yon ang ibang mga detalye, pero sabi ng kampo ng nananahimik na aktres ay wait, there’s more.

Kuwento ng aming source, “Agawan ba kamo ng karelasyon? Nasabi na ng babae ang lahat-lahat ng puwedeng ikapahiya ng sinasabi niyang nang-agaw sa karelasyon niya. Ang sabi niya, kaya raw tahimik lang ang girl, e, dahil sanay na sanay na siya sa pang-aagaw ng boyfriend ng may boyfriend, di ba?

“Pero huwag siyang pakasiguro, naglalabasan na ang mga kuwento tungkol sa girl, wala pala siyang right na ipahiya ang aktres, dahil meron din pala siyang history ng pang-aagaw sa karelasyon ng iba!

“Kaya kapag nagsalita na ang nananahimik na female personality, e, para siyang sundalong may hawak nang mga armas. Mas malalakas ang baril na hawak niya, kaya siguradong mababaligtad na ang kuwento,” bitin na komento ng aming impormante.

Sundot pa ng aming source na may halong paalala sa kumakalaban sa female personality, “Isa lang ang puwedeng ibalik na linya sa kanya ng female personality, isa lang! Look, who’s talking! ‘Yun lang!”

Sharon umayuda sa giyera ng utol

MAHAHARAP sa isang ma­tinding laban si Sharon Cuneta sa darating na eleksiyon. Hindi para sa kanyang mister na si Senador Kiko Pangilinan kundi para sa kaisa-isa niyang kapatid na si Chet.

Nagdeklara na ang kanyang kuya na tumakbong mayor ng Pasay City sa susunod na taon, sinamahan ng Megastar ang kanyang kapatid sa pagsusumite ng COC, tuloy na tuloy na ang laban ng kuya ni Mega!

Silang dalawa lang ang magkapatid na buo sa ama at ina, piloto si Chet, tahimik na tao pero maraming nagagawang tulong nu’ng panahong tagapamuno pa ng siyudad ang namayapa nilang ama.

Sobra ang pagmamahal ni Sharon kay Chet, para na rin siyang pa­ngalawang ina ng mga anak ng kapatid niya, buung-buo ang kanilang relasyon bilang magkapatid kahit nu’ng maliliit pa sila.

Kung matinding suporta ang ibinigay ni Sharon sa mga nakaraang kandidatura ni Senador Kiko ay parang nakikinita na namin ngayon pa lang kung gaano katinding tulong ang ibibigay ng Megastar para sa kanyang kuya.

Sabi ni Sharon ay 110% ang suportang buong-puso niyang ibibigay kay Chet pero mukhang hindi lang ganu’n, buong buhay at oras ni Sharon ay ilalaan niya para lang magtagumpay ang kanyang kuya, sigurado ‘yun.

Kung ang mga kasamahan nga niyang artistang kumakandidato sa iba-ibang posisyon ay sinusuportahan ni Mega, ang kanyang kuya pa kaya ang pababa­yaan niya, napakalayong mangyari ‘yun.

Inupuan ng magkapatid ang mapaghamong giyerang susuungin ni Chet. Tinimbang nila ang mga bagay-bagay, ang positibo at negatibong maaaring umalsa sa pagkandidato ni Chet, nagtapos sila sa isang desisyong pagsunod ni Chet sa yapak ng namayapa nilang ama.

Kilalang-kilala na­ming umayuda si Sharon Cuneta sa mga nangangailangan ng kanyang suporta. Kadugo pa kaya niya at mahal na mahal na kapatid ang kakapusin ng kanyang tulong?