Abante Tonite Interactive

Aktres nag-iiyak nang magka-baby ang sikat na aktor sa dyowa

0 731

NAGULANTANG ang isang source sa impormasyong nakarating sa kanya. Ang kuwento ay kinasasangkutan ng tatlong personalidad. Dalawang babae at isang lalaki.

May karelasyong aktres ang sikat na male personality, open-secret ang kanilang pagmamahalan, pero masyado silang masikreto.

Kuwento ng hanggang ngayo’y nawiwindang pa ring impormante, “Alam n’yo ba na nu’ng mapabalita ang isang pangyayari tungkol sa male personality at sa girlfriend niya, e, iyak nang iyak ‘yung girl?

“Ang pagkakaalam kasi ng lahat, e, magkatambal lang sila sa isang serye. Kapag may nagtatanong sa kanila na baka totohanan na ang mga nagaganap sa harap ng mga camera, e, palagi nilang sinasabing hindi raw, magkaibigan lang daw sila!

“E, bakit nag-iiyak ‘yung girl nu’ng makarating sa kanya ang kuwento tungkol sa partner niya at sa aktres? Bakit sobra siyang nasaktan nu’ng lumabas ang balita na may baby nang involved sa relasyon nu’ng dalawa?” takang-takang tanong-opinyon ng source.

Ibig bang sabihi’y namamangka sa dalawang ilog ang sikat na male personality? Paborito pala niyang piyesa, kung ganu’n nga, ang “Sana Dalawa Ang Puso Ko”.

Sexy star may paupahang building

MARUNONG sa buhay ang isang dating sexy star. Hindi siya masyadong sinuwerte sa pag-aartista, pero nakilala naman siya, ‘yun ang naging puhunan niya sa pagso-show sa ibang bansa para kumita.

Hindi naman itinatago ng dating sexy star na malaking-malaki ang naitulong sa kanya ng isang dating karelasyon na nagbigay sa kanya ng lahat halos ng luho sa buhay. Nag-ipon siya, pinahalagahan niya ang mga biyayang dumarating sa kanya, hanggang sa makapagpundar siya ng mga properties na pinakikinabangan ngayon ng kanyang pamilya.

Kuwento ng aming source, “Pero ang talagang inuna niya, e, ang pag-aaral ng mga anak niya, ‘yun kasi ang pangarap niya dahil hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral.

“Ngayon, tapos na ang dalawang anak niya, matatalino ang mga bagets, pareho nang may trabaho. Magaling siyang magmaniobra ng buhay niya, meron na nga siyang building na pinauupahan ngayon, ginamit niya ang utak niya,” positibong kuwento ng aming source.

Mismo!

Gretchen ‘di dumadalaw sa amang may sakit?

NAPUTOL ang sana’y mahaba-habang panahon ng pamamalagi sa Thailand ni Claudine Barretto para sa isang prosesong pagdadaanan niya du’n.

Nasa ospital ngayon ang kanyang amang si Daddy Mike, hindi simple ang kundisyong pinaglalabanan nito ngayon dahil sa pneumonia, OCPD at kidney failure, ayon sa aming source.

“Nasa ICU ang father niya, alam n’yo naman si Claudine pagdating na sa parents niya, iiwanan niya ang lahat. Palagi siyang nakabantay sa daddy niya.

“Si Marjorie, madalas ding nandu’n at ang iba pa nilang mga kapatid. Pero hindi man lang nagpaparamdam si Gretchen, hindi siya nakikitang pumupunta sa daddy niya,” paglilinaw ng aming kausap.

May hidwaan si Gretchen at ang kanyang mga magulang na bumibilang na nang dekada ngayon. Natural lang ang hindi pagkakaunawaan ng mga magulang at anak, hindi naman nawawala ang ganu’n, pero kapag buhay na ang nakataya ay kailangang kalimutan na ang hidwaan.

Sabi uli ng aming source, “Nakapunta nga siya sa opening ng ipinagawang sabungan ni Atong Ang nu’ng Sunday, may nakakita pa sa kanilang namamasyal sa Rockwell, pero bakit naman hindi siya makahanap ng panahong dalawin ang daddy niya sa ospital?

“Ganu’n ba talaga kalalim ang galit ni Gretchen sa parents niya? Hindi ba ‘yun kayang gamutin ng ganitong sitwasyon na nakikipaglaban sa buhay ang father niya?” nagtatakang tanong ng aming impormante.

Maaaring may dahilan ang kontrobersiyal na aktres sa dekada na nilang hindi pagkakasundo ng kanyang mga magulang. Pinatigas na nga siguro ng panahon ang kanyang puso para hindi man lang silipin ang kanyang amang may matinding karamdaman ngayon.

Pero puwede rin namang baka sa paglabas ng kolum naming ito ay dumalaw na pala si Gretchen sa kanyang ama na siguradong ikatutuwa ng marami.