Abante Tonite Interactive

Aktres nagpapadagdag ng TF sa pagsusuot ng bathing suit

By
1,256

tonite-no-thanks-cristy-ferminDapat sana’y magpasalamat na lang ang isang magandang babaeng persona­lidad dahil pagkatapos nang mahabang panahong nawala siya sa gitna ng aksiyon ay meron pa rin siyang binalikan.

Sa dinami-dami ng mga artistang nagdati­ngan at nangawala ay nagkaroon pa rin siya ng puwang sa showbiz, naiilawan na naman siya ngayon, marami siyang nagiging trabaho.

Pero hindi nagugustuhan ng kanyang mga nakakatrabaho ang kakaibang ugali ng magandang personalidad. Marami siyang reklamo, kung anu-ano ang hinahanap niya sa linya ng kanyang trabaho, abot hanggang langit ang ipinararamdam niyang kaartehan.

Kuwento ng isang source, Dapat sana, e, may eksena siyang gagawin na naka-bathing suit siya. Part ‘yun ng ginagampanan niyang role.

Pero ayaw niya. Wala raw ‘yun sa usapan nu’ng tanggapin niya ang serye.

“Kung gagawin daw niya ang eksena, e, kailangang panibagong bayad ‘yun, humihingi siya ng talent fee para lang sa pagsusuot niya ng bathing suit, nakakaloka siya, di ba?

“Tinanggal na ang eksena, buwisit na buwisit ang head ng production. Magsusuot lang siya ng ba­thing suit, additional talent fee na ang hinihingi niya?” nakairap na kuwento ng impormante.

Dati nang maarte ang magandang aktres. Sa sobrang kaartehan niya ay nagiging sobrang OA na tuloy para sa marami ang bawat galaw at sinasabi niya.

“May sarili kasi siyang mundo. Ewan kung bakit siya ganu’n, pero ibang klase ang kaartehan niya. Kaya hindi na tuloy nakapagtataka kung bakit pati ang lovelife niya, e, walang kinauuwiang maganda.

“Magulo ang takbo ng utak niya, kulang na kulang pa siya sa PR, may sarili nga siyang mundo. Ano ang pinakamadaling paraan para makahinga nang maayos ang mga production people na hindi nagkakagusto sa paandar niya?

“Ang dali-dali, di ba? Ang paigsiin na lang ang role niya, in short, ang patayin ang character niya sa palabas!” napapailing na lang na komento ng aming source.

 

Erik ‘di sakit ng ulo

Parang kailan lang ‘yun nang tanghalin siyang kampeon ng Star In A Million. Labinglimang taon na pala ngayon ang lumilipas. At mula nu’n ay umangat na nang umangat ang pa­ngalan at kalidad ng magaling na singer na si Erik Santos. Magaling, magaan siyang katrabaho, mabuting anak at kapatid, palaging mabango, lahat na yata ng magagandang katangian ay hawak na niya.

Masarap kasama sa show sa ibang bansa si Erik Santos. Mahal niya ang kanyang trabaho, propesyonal siya, kapag sinabi naming alas kuwatro nang madaling-araw ay kailangang nasa lobby na siya ng hotel dahil palipad na naman kami ng ibang siyudad sa Canada ay maaasahan mong alas tres y medya pa lang ay nandu’n na siya.

Hindi ka niya bibigyan ng kahit anong problema, ano bang nasa gitna siya ng snow, wala siyang reklamo sa picture taking, na ikinasasaya ng ating mga kababayan.

At bilang pasasalamat sa mga walang sawang sumusuporta sa kanyang singing career ay isang mala­king concert ang ihinanda ni Erik Santos sa September 22 sa MOA Arena.

Dahil 15th year anniversary na niya sa mundo ng musika ay labinglimang guests din ang kanyang makakasama sa “My Greatest Moments,” siya mismo at si John Prats ang magdidirek ng concert.