Abante Tonite Interactive

Aktres nalusaw ang mga naipundar

0 618

Cristy Fermin

May katapusan ang karangyaan. Palaging may tuldok ang mga granatsa sa buhay. Kapag ang mga biyayang dumadapo sa ating mga kamay ay hindi pinag-ingatan ay siguradong nakaabang na ang kangkungan para tayo saluhin.

Sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay tinutukan ang paksa tungkol sa isang female personality na minahal ng kapalaran pero nagpabaya sa kanyang buhay at career.

Kuwento ng unang miron sa umpukan, “Bibihira ang tulad niya na nasa ibaba na biglang itinaas, ha? Napakadali ng pagsikat niya, to think na galing siya sa trabahong minamaliit ng marami, di ba?

“Iniahon siya sa dati niyang image, binigyan siya ng mga opportunities kung saan siya naging successful, pero nu’ng hawak na niya ang tagumpay, nagbago siya nang sobra-sobra!

“Lumaki ang ulo niya! Ang feeling niya nu’n, e, siya ang pag-asa ng buong industriya! Ang akala niya nu’n, e, kailangan siyang luhuran ng mga producers para lang siya tumango sa paggawa ng project!

“Inaaway niya ang mga taong napakalaki ng utang na loob na dapat niyang tanawin. Ang akala kasi niya, e, wala na siyang kailangang kahit sino dahil sikat nga siya!

“Kinalimutan niya ang pagtanaw ng utang na loob na number one na ikinababagsak ng mga artista. Wala siyang pakialam kung meron man siyang sinasaktan, basta ang nasa utak niya nu’n, ‘Sikat ako!’

“Kahit ano ang gawin ko, akin ang publiko! Parang naging ganu’n na ang takbo ng utak niya! Anyare pagkatapos niyang maging mayabang at palalo?” buwena-manong kuwento ng aming impormante.

Nawasak ang kanyang pamilya, ang la­laking nakasama niya sa hirap at ginahawa, inetsa-puwera niya dahil naki­pagrelasyon na siya sa kung sinu-sinong lalaking personalidad.

“At ang the height, hinaluan niya ng pagbibisyo ang career niya. Du’n na siya nagsimulang maging unprofessional, tinatanggihan na siya ng mga
production, nabaligtad na ang kapalaran niya.

“Nalusaw ang lahat ng mga ipinundar niya, ang iba, e, naibenta pa niya, pero ang karamihan, nailit ng bank. Ngayon siya magyabang, ngayon niya sabihin na sa kanya ang mundo!

“Alam niya dapat na walang kasiguruhan ang pag-aartista. Alam din dapat niya ang katotohanan ng buhay. Life is not always a bed of roses,” pagtatapos ng aming source.

Anak nina Marjorie-Recom malaya na

Sa halip na hanapan ng butas ay positibo ang naging dating sa amin sa paglutang ng larawan ng anak nina dating Mayor Recom Echiverri at Marjorie Barretto na si Erich.

Maligaya kami para sa bata na habampanahong ipinakikilala bilang pamangkin ng aktres. Sa kasagsagan ng pagtatago sa katotohanan ng kanyang mga magulang ay naiiwan sa bahay si Erich kapag may mga pagtitipon ang kanilang pamilya.

Baka kasi makita ng mga usisero, baka kasi siya pagpistahan, dahil nagtatago pa sa dilim ang kanyang mga magulang.

Walang lihim na maaaring ikubli nang habampanahon. Maaaring sa mga unang taon ay puwede ang ganu’n, pero darating at darating din ang takdang oras, kailangan na nilang makipagtuos sa katotohanan.

Maganda si Erich tulad ng kanyang mga kapatid sa ina. Nakuha ng bata ang karisma ng mga Barretto at maraming salamat, sabi ng mga usisero, hindi niya nakuha ang itsura at kulay ng kanyang amang pulitiko.

Malaya na ngayon si Erich. Puwede na siyang isama ng kanyang ina at mga kapatid sa kahit saan, sa kahit anong okasyon, dahil nalantad na ang
kanyang retrato sa buong mundo.

Hindi na siya nagtatago ngayon sa dilim, maging ang kanyang mga magulang ay siguradong nakahinga na rin nang maluwag ngayon, dahil tapos na ang panahon ng kanilang pagdedenay.

Ang bawat bata ay regalo ng langit. Walang kasalanan ang bata sa masalimuot na istorya ng kanyang mga magulang. Hindi nakapamimili ng
magulang ang anak.

Wala ring anak sa labas. Ang bawat binhi ay tumutubo at pinala­laki sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina na mula sa semilya ng kanyang ama.