Abante Tonite Interactive

Aktres nanunulis ang nguso sa pagsimangot

Willie minarkahan sina Sharon, Aga, Kris

225

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Gustong isponsoran ng mga miron ang isang hindi na kabataang aktres pero hindi pa rin naman katandaan para pumasok sa isang pagsusuri. Mabilisang proseso lang naman ang kailangan niyang pagdaanan.

Sabi ng isang source, “Parang crash course lang naman ang anger management, mabilisan lang, hindi naman ‘yun tulad ng pagpapa-rehab na kailangan niyang mag-stay sa center nang maraming buwan!”

Marami na kasi ang nakakapansin na wala na sa ayos ang attitude ng magandang aktres. Masyado na siyang magagalitin. Para na siyang BIR (read: Babaeng Inurungan Ng Regla) kung makaasta!

“Konting kibot lang, nagagalit na agad siya, nang-aaway na siya, ayaw na ayaw niyang nakokontra siya! Anger management na ang kailangan niya dahil baka one day, e, may matapatan siyang mas magagalitin pa kesa sa kanya!” nag-aalalang komento ng impormante.

Kahit sa mga pampublikong lugar ay nagpapalutang ng katarayan ang aktres. Maigsi ang kanyang pasensya. Kapag hindi niya nakukuha nang agaran ang kanyang gusto ay nanunulis na agad ang kanyang nguso sa pagsimangot.

“Sa airport, kapag mahaba ang pila, e, inis na inis siya! Para bang ang nasa utak niya, e, bakit kailangan pa niyang maghintay, e, sikat na ­artista siya!

“Nakakaloka siya, ha? Pasaporte ba sa hindi pagpila ang pagiging artista? Sino ang lalapit sa kanya para makipag-picture kung ang nguso niya, e, nanghahaba sa pagbusangot?” kuwento ng isa pang source.

Kailangan na raw talagang sumailalim sa anger management ang magandang aktres na ito. Kung gagawin niya ‘yun ay baka mabawasan na ang palagi niyang pag-eemowt sa social media, baka makatagpo na siya ng lalaking magmamahal sa kanya, para hindi siya hanap nang hanap sa mga posts niya.

Komento pa ng aming source, “Kahit nu’ng child star pa lang ang girl na ‘yan, e, may kamaldita­han na siya. Palagi siyang nakasimangot, nagdadabog siya kapag hindi nasusunod ang gusto niya.

“Hanggang ngayong ganyan na ang age niya, e, magagalitin pa rin siya, kailangan niyang magbaon ng pasensiya kahit saan siya magpunta, napakalayo ng attitude niya sa name niya!” ­pagtatapos ng aming source.

***

Mapagpahalaga si Willie Revillame sa mga taong naging mabuti at mabait sa kanya nu’ng mga panahong hindi pa siya sumisikat. Tandang-tanda niya ang mga personalidad na nag-abot sa kanya ng ayuda nu’ng mga panahong bagsak siya.

Mababanggit namin ang mga pa­ngalang Sharon Cuneta, Aga Muhlach, Kris Aquino, Mayor Herbert Bautista, Bong Revilla at ang mag-asa­wang Senador Manny at Cynthia Villar.

Marunong tumanaw ng utang na loob si ­Willie Revillame. Hindi lang siya masalita, pero basta may pagkakataon, gagawin niya ang lahat-lahat para makatulong sa mga taong naging mabuti sa kanya nu’ng ang mundo niya’y hindi pa ganito ­kaganda.

Isa si dating Senador Bong Revilla sa mga pangalang naaalala ni Willie na hindi kinapos ng suporta nu’ng puro paghamon ang hinaharap niya.

Madalas sabihin ng aktor-TV host, “Hindi naman puro pera lang ‘yan, e. ‘Yung i-text ka lang ng isang tao na nagbibigay ng suporta sa laban mo, sobra pa ‘yun sa binigyan ka ng financial na tulong.

“Sila ‘yung parang ilaw sa madilim mong kapaligiran. Kilalang-kilala ko sila, kaya naman basta may maitutulong ako, hindi ko na pinag-iisipan pa, go na agad ako,” sinserong komento ni Willie.

Kahapon ay ­dinalaw ni dating Senador Bong Revilla si Willie ­Revillame sa Wowowin, napanood ng aktor-pulitiko na co-host ni Willie sa isang segment ng kanyang game show, grabe ang init ng pagtanggap ng mga kababayan natin sa kanilang senador.

Nu’ng nakapiit pa sina dating Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay dumadalaw si Willie sa PNP Custodial Center. Napakaabala niya pero nagsisingit ng panahon ang TV host para kahit paano’y pagaanin ang ­dinadala ng magkaibigang ­pulitiko.

Ganu’n nga lang naman ang buhay. Gantihan lang. Sinamahan n’yo ako sa panahon ng tag-ulan, papayungan ko rin kayo sa panahong matindi ang sikat ng araw