Abante Tonite Interactive

Aktres pasaway sa pinapagawa ng production

650

NAGBAGO na ngayon ang tono ng isang pamosong male pesonality kapag kinukumusta ng mga reporters ang dapat sana’y gagawin nilang pelikula ng isang kilalang aktres.

Parang bagyo nu’n na pinag-usapan ang muli nilang pagtatambal, malakas ang dating ng ikot ng balita, pero tulad ng bagyo ay mukhang natunaw na ang plano nilang tambalan at lumabas na sa PAR.

Kuwento ng isang source, “Sino ba naman kasi ang maniniwalang mangyayari ‘yun, e, may malaking problema ang production tungkol sa girl?

“May ibinigay na kundisyon ang mga executives ng production na kailangan munang gawin ng female personality, pero nangyari ba ‘yun?

“Puro plano, puro plano, puro kuwento lang, pero wala namang kuwenta!” madiing komento ng aming impormante.

Nu’ng minsan ay may nakausap ang aming source, ito mismo ang kasama sa pagpaplano tungkol sa pagtatambal uli ng mga kilalang personalidad, pero bumitiw na pala ito.

Ang sabi ng impormante, “Naku, asa pa ba tayo sa pagsasama uli nila sa movie? Du’n sa guy, e, walang problema, fit na fit siya to do the movie!

“E, ang babae, ganu’n din ba? Hindi niya ginawa ang kundisyong ibinigay sa kanya ng production! Napakasimple lang naman ng ipinagagawa sa kanya, kailangan lang niyang mag-detox, pero ginawa ba niya?” kuwento ng source.

Yown!

Male personality nagdurusang magbayad ng utang sa kasal

SA isang umpukan ay pinagpistahan ang kuwento na hanggang ngayon pala ay hindi pa rin nalilinis ng isang kilalang male personality ang kanyang mga pagkakautang sa marami niyang kaibigan at kasamahan sa trabaho.

Sabi nga ng magkakakuwentuhan, sa isang araw na kaligayahan at pagpapabongga, mahabang panahon naman pala ang kanyang ipagdurusa.

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Kasi naman, nagpabongga sila nang husto ng pinakasalan niya! Hindi naman pala nila kayang lutasin ang problema nila pagkatapos!

“Puro OPM lang sila, puro pangako, pero palagi lang namang napapako! Sinisingil na ng mga friends niya ang male personality, pero hindi pa rin niya mabayaran ang mga pagkakautang niya!

“Puwede naman sana niyang naiwasan ‘yun, pero dinaig sila ng pagpapabongga, kaya ayan, nagdurusa sila ngayon!” madiing komento ng source.

Haaaay, naku!

Willie pinagpapahinga ng doktor

MARAMING nang-uusisa sa amin kung bakit lumiliban sa pagho-host ng Wowowin si Willie Revillame? Siya ang dinadayo ng mga kababayan nating lumuluwas pa mula sa malalayong probinsiya, siya ang gustong makita nang personal ng kanyang mga tagahanga, pero nabibigo sila.

Kaya namang mag-host ni Willie nang araw-araw, hinahanap ng kanyang katawan ang ilang dekada na niyang ginagawa, pero ang kanyang mga doktor ang hindi pumapayag.

Madalas na tumataas ang kanyang blood pressure, kadalasan ay stress ang itinuturong dahilan kapag ganu’n, kaya payo ng kanyang mga doktor ay ipahinga niya naman paminsan-minsan ang kanyang katawan.

Kung kilala nga namin ang aktor-TV host ay laban na laban sa kanyang kalooban ang ganu’n, naaawa siya sa mga kababayan nating naglalaan ng sapat na panahon para lang makapanood ng Wowowin, pagkatapos ay wala naman pala siya sa programa?

Pero pinakamahalaga ang kalusugan, aanhin nga naman natin ang malaking kita kung ang malalagay naman sa hindi magandang kalagayan ay ang ating katawan, kailangang sundin ni Willie ang mga payo ng kanyang mga doktor.

Si Willie pa? Kaligayahan niya na ang makitang nagsasaya ang kanyang mga tagasuporta, makita lang niyang nakangiti ang kanyang mga kalahok ay wala nang katumbas na anuman ‘yun para sa kanya, kaya siguradong pinaghahandaan niya ang panahon ng Pasko para makapagbigay ng aginaldo sa kanyang mga tagahanga.

Stress ang bawal na bawal, wala pang eksaktong gamot na nadidiskubre sa matinding stress, puro remedy lang at hindi cure.

Kailangang umiwas ni Willie Revillame sa matinding stress. Ke sa trabaho man niya ‘yun o sa iba pang aspeto ng kanyang buhay.