Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktres sinukuan ng produ

0 583

Huminto na naman ang mga kamay ng relo ng isang pamosong female personality. Magkakaroon na sana siya ng pagkakataong humarap uli sa mga camera pero nagkaroon na naman ng bulilyaso.

Hinto na naman ang usad ng kanyang karera na matagal nang nababalagoong, meron nang nagtiwalang sumugal para sa kanyang pagbabalik, pero hindi na naman niya ‘yun pinahalagahan.

Komento ng aming source, “Nakakaloka ang female personality na ‘yun! Sa umpisa, e, parang napakainteresado niya, nagsa-suggest pa nga siya sa writer ng mga eksenang siguradong magugustuhan daw ng manonood, pero ilang araw lang pagkatapos, e, nawawala na siya!

“Hindi na siya mahanap ng mga kausap niya, gasgas na ang mga daliri nila sa kakokontak sa girl, pero walang sagot!” unang kuwento ng aming impormante.

Ala tsamba lang kuno ang pagsagot ng female personality, kung ano ang sumpong na ‘yun ay hindi maipaliwanag ng kanyang mga katransaksiyon, pero ‘yun ang totoo.

Patuloy ng aming source, “Umaga pa lang, e, nagpapaalala na ang taong nagtiwala sa kanyang comeback movie na may meeting sila nang lunch time. Walang sagot.

“Every thirty minutes, tine-text siya ng mga kasama niya sa meeting, buong production ang nagre-remind sa kanya, pero wala pa ring sagot! Natural, kinakabahan na ang mga kausap niya!

“Kung sa planning stage pa nga lang naman, e, ganu’n na siya, paano pa sa shooting proper na? Nasa set na ang lahat ng mga co-stars niya, kumpleto na ang staff and crew, pero wala pa ang bida sa movie?

“Pinagbigyan pa rin ng grupo ang female personality, pero may limitasyon nga naman ang pagpapasensiya, sumuko na sila, ayaw na nilang gawin ang comeback movie dapat ng girl!

“Bakit pa nga naman kung masasayang lang naman ang puhunan nila? Sino ba ang nawawalan kung ititigil nila ang project, sila ba?

“Kaya waley na! Hindi na matutuloy ang pelikula ng female personality, umurong na ang mga producers niya, lista na lang sa tubig ang project!

“Mag-post na lang siya nang mag-post ng mga kaechosan niya! Guluhin na lang niya ang ex niyang nananahimik, du’n naman siya magaling, di ba?” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Lipat sa kalaban: Cardo Dalisay ayaw nang panoorin

Interesante ang bagong pagkakasalansan ng mga programa ng TV5-Cignal OnePH ngayon. Nawawalan na ng saysay ang remote control, wala na kasing lipatan, panalung-panalo ang kanilang mga palabas sa primetime.

Nauuna sa pag-ere ang “Frontline Pilipinas,” pagkatapos ng news program ay aarangkada na ang sunud-sunod na programang hindi mo na iiwanan, kasunod agad ang “Sing Galing” na buhay na buhay at napakaganda pa ng set.

Susunod naman ang “Nina-Nino” na pinagbibidahan ni Maja Salvador, hindi pa umeeksena ang magaling na komedyanteng si Empoy, pero nakatatayo na agad ang istorya ng serye.

Wala na ngang lipatan dahil kasunod na ang “FPJ’s Ang Probinsiyano,” ang “Huwag Kang Mangamba” at “Walang Hanggang Paalam” na mula sa produksiyon ng Dreamscape ng ABS-CBN, napakaayos ng pagkakahanay ng mga serye.

Pero masarap magpakatoto, kapag oras na ng serye ni Coco Martin ay lumilipat kami sa GMA-7, tinututukan namin ang “First Yaya” nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez.

Nakakaumay na kasi ang istorya ng “Ang Probinsiyano,” alam mo na agad ang mga kasunod na mangyayari, para pa namang miyembro ng Avengers si Coco na kahit isang batalyon nang armado ang kalaban ay buhay na buhay pa rin.

Masarap namang tumikim ng bagong timpla, kahit ang mga kaibigan namin ay naglilipatan sa “First Yaya” kapag programa na ni Coco Martin ang palabas, napapanahon na talagang lagutin ang hinihila-hila lang namang parang lastikong kuwento ng serye.

Leave A Reply

Your email address will not be published.