Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktres tiklop sa tapyas TF

0 553

“Okey na, sige na, kesa naman sa wala!” ‘yun ang isinagot ng isang female personality sa kanyang manager nang makarating sa kanya ang impormasyon na tatapyasan ng network ang kanyang talent fee.

Lahat ng negosyo ay apektado ngayon dahil sa pandemya, maraming negosyo nang nagsasarado, nahagip din ng coronavirus ang estado ng lokal na aliwan.

Kuwento ng source, “Napakahirap ng buhay ng mga artista ngayon, wala silang trabaho, nag-aagawan sila sa iilang projects na ginagawa sa isang network.

“Puro palabas ang pera nila, walang pumapasok, dahil tigil nga ang lahat ng trabaho. Ang female personality na ito nu’n, e, masyadong reklamador sa talent fee!

“Sumobra lang siya nang konting oras sa cut-off niya, e, nagpaparamdam na siya ng dagdag sa EP dahil sumobra raw ang working time niya.

“Kailangang masunod ang cut-off time niya, kahit meron pa siyang sequence na hindi natatapos, kailangang umuwi na siya. Ganu’n siya kahigpit sa oras niya!

“Pakiusapan talaga para lang hindi niya iwanang naka-open ang sequence. Kailangang tapusin talaga dahil shoot to edit ang eksena, ipapalabas din agad!” unang impormasyon ng aming impormante.

Pero ngayong may matinding problema ang buong mundo dahil sa salot ay wala na siyang ibang pamimilian. Hindi man siya magugutom, meron naman siyang naipon, pero kailangang may pumasok pa rin sa kanyang kaban.

“So, nu’ng tawagan siya ng production manager ng serye, e, sinabi nga sa kanya na babawasan ang talent fee niya. Tapyas talaga nang halos kalahati ang TF ngayon ng mga artista.

“Nakipagtawaran pa siya sa kausap niya, pero hanggang du’n lang talaga ang kaya ng production, hindi kayang ibigay ang gusto niyang amount!

“‘Yun nga ang sagot niya, okey na, sige na, kesa naman sa wala! Kailangan niya talagang makipag-meet halfway, may pandemya ngayon, hindi na puwede ang gusto niya.

“Magaling naman talaga ang veteran actress na ito, deserving naman siyang bigyan ng magandang talent fee, pero may pandemya nga, kaya wala na siyang choice kundi ang tanggapin na lang ang trabaho sa tapyas na talent fee niya,” napapailing na pagtatapos ng aming source.

-o0o-

Magkakapatid na Revilla todo iyak

Pusong bato na lang ang hindi tatamaan sa sabay-sabay na paghagulgol ng mga iniwan ni dating Senador Ramon Revilla, Sr. sa edad na nobenta’y tres.

Napakasakit pakinggan ang pagpapalahaw ng iyak ng magkakapatid na Revilla, hindi nila kinukuwestiyon ang Diyos sa pagpanaw ng kanilang patriyarka, pero hindi pa bukas ang kanilang puso na tanggaping wala na talaga ang kanilang tatay.

Mugtung-mugto ang mga mata ni Senador Bong Revilla nang ibalita niya ang pagpanaw ng kanyang ama, malayung-malayo ang kanyang itsura sa pagiging action star, “Wala na po ang tatay ko.”

Napakaraming nakasaksi sa pagmamahal na inialay ng magkakapatid sa kanilang ama, ibabaon ni Tito Ramon sa kabilang buhay ang sobra-sobrang pagpapahalaga sa kanya ng magkakapatid, wala silang hindi ginawa para lang mapaligaya ang kanilang ama.

Tapos na nga ang kuwento ng agimat ng beteranong aktor-pulitiko, ang titulong naglagay sa kanya sa ituktok ng tatsulok sa mundo ng pelikula, pero agimat lang ang nawala at hindi ang mga alaalang mananatiling buhay sa puso ng publiko.

Ang taimtim naming pakikiramay sa lahat ng mga iniwan ni dating Senador Ramon Revilla, Sr., kailangan nating tanggapin ang katotohanan na dalawang senaryo lang ang totoong-totoo sa buhay na ito, ang tayo’y ipanganak at mamatay sa takdang panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.