Abante Tonite Interactive

Aktres ubod ng arte

By
0 1,217

tonite-no-thanks-cristy-ferminNaturalesa na ng isang magandang female persona­lity ang kaartehan. Maarte siyang magsalita, maarte siya kapag iniinterbyu, sa lahat ng kanyang gawin ay kapansin-pansin ang pagi­ging maarte niya.

Kakambal na ng kanyang pagkatao ang pagiging maarte. Kahit ang maliliit na bagay lang ay ginagawa niyang kumplikado. Basta makapag-inarte lang siya.

Pero sabi ng isang matagal nang kaibigan ng maarteng female personality, “At least, maarte lang siya, hindi siya bastos! Kaartehan lang ang mapapansin sa kanya, pero marespeto siya sa kapwa niya!

“Hindi siya katulad ng isang kilalang female personality na kapag hindi nagustuhan ang ayos ng buhok niya, e, biglang ha­hablutin sa hairdresser niya ang brush, saka padabog na magbo-blower nang mag-isa!

“Hindi rin siya katulad ng isang magaling umarteng female persona­lity na sinasabihan ng tanga ang mommy niya sa harapan ng maraming tao!

“At lalong hindi siya ka­tulad ng isang babaeng personality na kung makaasta sa set, e, akala mo naman siya ang pinakamagaling, kaya pinakikialaman niya pati ang script ng serye nila!

“Ganu’n ba siya? Hindi siya bastos, masarap siyang katrabaho, maarte lang talaga siya sa dilang maarte!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Ang maarteng aktres ay mapuso raw, sabi ng kanyang mga kaibigan, maarte lang talaga siya pero pagdating sa maliliit na tao ay maganda ang kanyang puso.

“Kailangan pa ba niyang ipagsigawan sa buong mundo kung gaano siya ka-kind hearted? Maganda ang puso niya. Humuhugot siya sa sarili niyang bulsa para makatulong sa mga needy.

“Mahal siya ng mga ulitily dahil marunong siyang rumespeto. Inaalam niya ang mga pangalan ng mga utility para hindi siya gumagamit ng salitang hoy, first name basis talaga kung tawagin niya ang mga boys sa set,” kuwento pa rin ng aming source.

Magandang kuwento ‘yan!

KathNiel ‘di totoong sinabotahe ang pelikula nina Sharon-Richard

Hindi parehas para kay Kathryn Bernardo ang sabi­hing maliit lang ang kinita ng pelikulang pinagsasamahan nila nina Richard Gomez at Sharon Cuneta sa unang araw nito dahil sa kanya.

Lalong hindi puwedeng ipamukha sa young actress ang terminong Flop Queen dahil siya sa mga kabataang artista ang mayhawak ngayon ng pagiging Box Office Queen dahil sa nakaraan nilang pelikula ni Daniel Padilla.

Unfair na unfair para kay Kathryn ang ipasunong sa kanya nang mag-isa lang ang tagumpay ng pelikula dahil pagbabalik-tambalan ‘yun nina Sharon at Goma.

At unang araw pa lang ang pinagbabasihan, marami pang nalalabing panahon para kumita nang malaki ang Three Words To Forever, lalo na ngayong long weekend.

Wala ring katotohanang sinabotahe ng KathNiel ang pelikula, mismong mga tagasuporta nila ni DJ ang nagpapa-block scree­ning, pinakaaktibo sa pagsuporta sa pelikula ang KDKN Solidarity.

Ang grupong KDKN ay hindi puwedeng magpabaya, sila ang grupong nakasuporta sa mga proyekto nina Daniel at Kathryn, kahit hindi sila ang magkasama sa pelikula.

Panahon ngayon ni Kathryn Bernardo. Tabi-tabi sa kanyang mga kakontemporaryo pero sa kahit anong labanan idaan ay siya ang nangunguna ngayon.

Pelikula, serye, boxoffice, mga parangal, walang nakasasabay sa kanya sa ngayon, buhay na buhay ang kanyang mga tagasuporta na anuman ang mangyari ay hindi ipakakabog ang kanilang idolo.

Sa totoo lang.