Abante Tonite Interactive

Akyat-bahay sumalakay Lola, 2 Apo tinadtad ng saksak

By
0 170

Patay ang 64-anyos na lola at ang kanyang 14-anyos na apo habang malubha ang isa pang batang lalaki makaraang pagsasaksakin sila nang magising habang hinahalughog ng magnanakaw ang kanilang bahay sa Isabel Village, Brgy. Tabang, Plaridel, Bulacan kahapon.

Sa ulat kay Bulacan provincial police director Sr. Supt. Chito Bersaluna, kinilala ang pinatay na senior citizen na si Sylvia Castillo y Garcia at ang apo nitong si Cyrene San Pedro y Molina.

Patuloy pang nilalapatan ng lunas sa ospital ang pitong taong gulang na batang lalaki na malubhang nasugatan.

Abante Hiring – IT dep

Pawang nagtamo ng malalalim na saksak sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima.

Idineklarang dead-on-arrival ang matandang Castillo sa La Consolacion University Hospital sa Plaridel habang ang kanyang dalawang apo ay isinugod naman sa Melverey Maternity and Gene­ral Hospital sa nasabing bayan din kung saan nasawi ang 14-anyos na biktima.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ferdie Santos, may hawak ng kaso, nangyari ang krimen dakong alas-5:51 nang madaling-araw kung saan nagising umano ang matanda at dalawang apo habang hinahalughog ang kanilang tahanan.

Pinaniniwalaang nataranta umano ang suspek kung kaya’t pinagsasaksak nito ang mga biktima saka mabilis na tumakas tangay ang mga nakulimbat na alahas at pera.

Nabatid na ang tatlong biktima lamang ang nakatira sa kanilang bahay dahil nasa ibang bansa ang mga anak ng matandang Castillo at ito ang nag-aalaga sa kanyang mga apo.

Nagsasagawa pa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang pulisya para makakuha ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek o mga suspek sa krimen.

Patuloy pa ring inaalam kung magkano lahat ang halaga ng natangay sa pamilya.