Abante Tonite Interactive

Alaga ng mga empleyado, kinatay sa b-day celeb ng gov’t official

579

Sa halip na magdiwang, matinding paghihinagpis daw ang inabot ng mga kawani ng isang kontrobersiyal na sangay ng pamahalaan sa dapat na pagdiriwang sa kaarawan ng kanilang pinuno.

Paano ba naman kasi, nagmistulang alay daw sa kaarawan ng kanilang bossing ang mga ala­gaing hayop ng mga empleyado ng sangay ng pamahalaan na ito makaraang mapagdiskitahan.

Ang siste, nakita daw kasi ng opisyal ang mga alagaing hayop ng mga empleyado nang ito ay mag-ikot sa kanyang nasasakupan sa mismong araw ng kaarawan at nakita niya ang mga nakasoga na mga alagaing hayop.

Tila wala daw sinayang na pagkakataon ang opisyal at agad na iniutos na “pagkakatayin ‘yan!” nang makita ang mga inosenteng hayop na ang tanging kasalanan ay nakitira sila sa nasasakupan ng opisyal.

Kabilang sa mga alagaing hayop na tila natokhang para lamang maging bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ng opisyal ay mga baka at kambing na pinapataba daw sana ng mga emple­yado at iba pang naninirahan sa pagmamay-ari ng gobyerno para kahit paano ay may maidagdag sa mga ‘di-inaasahang gastusin,
Hindi naman malinaw kung binayaran, binarat o pinangakuan lamang ng opisyal ang mga naagrabyado sa kakaibang selebrasyon ng kanyang kaarawan.

Nitong mga nakalipas na araw lamang daw nagdiwang ng kaarawan ang opisyal na may pagkamaangas ang dating at kung nasa loob ba o labas ng Metro Manila ang kanyang nasasakupan ay bahala na kayong manghula, hulaan nga ito eh.
Clue: Makailang beses na itong nagpalipat-lipat ng ahensiya sa kabila ng mga kasong kinakaharap at napabalita rin dati na sasabak sa politika pero nang malamang gagastos ng malaki ay umayaw.