Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Alagad ni Alan bantayan sa kalikot budget

0 184

Kinuwestyon ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson ang naunang hakbang ng Kamara na inaprubahan ang 2021 General Appropriations Bill sa second reading bago sinuspinde ng kampo ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kanilang sesyon at bumuo ng maliliit na komite para tanggapin ang mga individual at committee amendment.

Taliwas aniya ito sa ginagawa sa Senado kung saan matapos maaprubahan sa second reading ang panukala, hindi na maaring magkaroon ng amendment.

“Kung mapapansin mo, nagpasa sila on 2nd reading, approved on 2nd reading. Para sa kaalaman ng nanonood at nakikinig, sa Senado ang practice namin at sa Kongreso dapat, `pag ang bill approved on 2nd reading `yon na `yon. Nakapasok na lahat na amendment. At ang 3rd reading formality na lang ito, ceremonial ito,” paliwanag ni Lacson sa radio interview sa kanya.

“So kung may pagkakaiba sa in-approve on 2nd reading at in-approve on 3rd reading malaking problema `yan. Ang nangyari sa HOR [House of Representatives] kaya nagkagulo-gulo at ina-allow nila ito, in-approve on 2nd reading pero may small committee na mag-introduce ng amendments. `Yan ang hindi ko maintindihan. `Yan ang hindi sang-ayon sa rules naming,” ayon pa kay Lacson.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nauna nang tiniyak ni Lacson na kanyang bubusisiin ang P4.5 trillion national budget para sa susunod na taon dahil sa naamoy umano nitong pork barrel mula sa nasilip na P396 bilyong lump sum na nakaparada lang sa central office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sabi ni Lacson ipapadetalye nila sa DPWH ang mga nakapaloob sa panukalang budget nito.

“Lumalabas doon mukhang may pag-uugnayan na ang ibang kongresista sa DPWH kung ano ang mga listahang ilalagay roon. Kaya nagkaroon ng controversy sa HOR mismo, sila-sila nagsasabi na hindi equitable ang distribution ng budget sa mga distrito,” ani Lacson.

Hinimok din ni Lacson ang publiko na bantayan ang pondong umaagos sa kanilang mga distrito at isumbong kapag may nakitang pag-abuso sa paggamit ng budget. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.