Abante Tonite Interactive

Alagang kalabaw nagwala, amo todas

607

Agad nasawi ang isang magsasaka nang sugurin ito at pagsusuwagin ng kanyang alagang kalabaw sa Calauag, Quezon.

Kinilala ang nasawi na si Ruperto Pelojero Panarigan, 58-anyos, residente ng Barangay Kalibu.

Batay sa pahayag sa Calauag police ng asawa ng biktima na si Iluminada, alas-10:30 nang umaga noong Linggo habang pinapakain ng damo ng biktima ang kanyang kalabaw sa bukid sa Barangay Binutas nang sa hindi malamang dahilan ay bigla itong magwala.

Kasunod noo’y napagba­lingan ng hayop ang kanyang amo at ‘di ito tinantanan sa pagsuwag.

Nagtamo ang biktima ng mga malalim na sugat sa katawan at hindi na nagawa pang isugod sa ospital.

Natigil naman ang pagwawala ng kalabaw sa tulong ng iba pang magsasaka na sumaklolo nang makita ang pangyayari. (Ronilo Dagos)