Abante Tonite Interactive

Alak no more

393

Nakaugalian na nating mga Pili­pino ang pag-inom ng alak tuwing may pagdiriwang o pagtitipon. Magarbo man o simple ang okasyon, siguradong may alak na pagsasaluhan sa mesa.

Sa totoo lang, mahirap iwasan ang alak lalo na kung kasama mo sa pag-inom ang kapa­milya, kabarkada o kaopisina.

Hindi masama kung paminsan-minsan kang iinom ng alak. Para sa ilan, pang-alis ito ng stress o pressure. Pan­samantala namang nakalilimot ang iba sa kanilang problema tuwing tumotoma.

Pero teka, hinay-hinay lang. Alam naman nating masama sa katawan ang pag-inom ng alak nang sobra-sobra.

Tiyak akong isa ito sa nakalista sa inyong New Year’s resolution – bawasan ang alak sa katawan. Pero paano nga ba?
Ayon sa ilang eksperto, mainam kung iinom ka ng mas maraming tubig habang umiinom ng alak. Sa ganitong paraan, bababa ang alcohol concentration sa iyong katawan.

Base naman sa 2012 Nutritional Guidelines for Filipinos, magkaroon ng healthy lifestyle. Iwasang magpuyat at matulog nang maaga. Importante ring mag-ehersis­yo at kumain ng masustansiyang pagkain.

Ewan ko kung susundin n’yo ito. Pero mainam kung iiwas ka sa mga barkadang nag-iimpluwensiya sa iyong uminom. Sabihin mo sa kanilang ayaw mo nang uminom ng alak.

Huwag gawing dahilan ang business mee­ting para uminom. Puwede ka namang umorder ng juice o tubig.
Huwag daanin sa inom ang problema. Lutasin ito sa tamang paraan.

Magkaroon ng ibang pagkakaabalahan o libangan.
Huwag uminom ng alak para hindi kayo tularan ng inyong mga anak. Ginagaya ng mga bata ang gawain ng mga nakatatanda.
Ang sa akin lang, lahat ng bagay basta sobra – masama. Kaya dapat ‘drink in moderation.’ Sa pag-iwas sa alak, maiiwasan din ang gastos, sakit at ipa pang peligro sa buhay.