Abante Tonite Interactive

Alam ni Angara ang kailangan ng mga OFW

By
730

Hindi na nakakabigla ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na ipatigil ang pagpapadala ng manggagawang Filipino sa Kuwait. Ginawa ng Pangulo ang desisyon matapos makarating sa kanyang impormasyon na pitong overseas Filipino workers (OFWs) ang namatay doon.

Nagatungan pa ito sa pagkakatuklas ng mga pulis sa bangkay ni Joanna Daniela Demafelis sa freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait. Hinala ng mga pulis, higit isang taon nang nakasilid sa freezer ang bangkay ni Demafelis. Noong 2016 pa daw kasi umalis ang amo ng biktima na isang Lebanese.

Kaya naman, gusto ni Digong na pauuwiin na lang sa bansa ang OFWs sa Kuwait. Hindi madaling ipatupad ang sinabi ng Pangulo dahil sa higit 250,000 Filipino ang nagtatrabaho doon. At pag-uwi nila sa Pilipinas, ano ang magiging trabaho nila? Baka mapasama lang sila sa statistics ng gobyerno tungkol sa bilang ng mga walang trabaho o mga tambay ika nga

Suportado ni Senador Sonny Angara ang desisyon ng Pangulo at nagbigay din ito ng paalala na sana ay bigyan ng trabaho at livelihood assistance ang distressed Filipino workers na pauuwiin sa ‘Pinas.“Bukod sa pagsiguro sa kanilang kaligtasan, dapat ay may trabaho at tulong pangkabuhayan na naghihintay para sa ating mga kababayan mula sa Kuwait,”giit pa ni Angara.

May laman ang sinabi ni Angara dahil alam niya na sa ilalim ng Republic Act 10801o ang batas na siyang nagpalakas sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), may kapasidad ang gobyerno na tulungan ang OFWs na nawalan ng trabaho o kaya ay nagdesisyon na umuwi sa bansa.

Related Posts

Alam ni Angara na may reintegration program ang OWWA, tulad ng employment at livelihood training, pagkakaloob ng pautang para makapagtayo ng sariling negosyo. Alam ni Angara na sa ilalim ng Balik Pilipinas, Balik Hanapbuhay Program, ang benepisyaryo ay maaaring makakuha ng grants na aabot sa P20,000.

Binanggit din ng senador na ang OWWA, katuwang ang Landbank, ay maaaring magkaloob ng P100,000 hanggang P2 milyon na pautang sa gustong magtayo ng negosyo.

Bukod sa repatriation at reintegration, sinabi din ng senador na nag-aalok din ang OWWA ng legal assistance, placement at remittance assistance, insurance coverage, social benefits at educational assistance para sa dependents ng OFWs.

Kasama si Angara sa bumalangkas ng panukala bago ito naisabatas kaya alam niya ang mga probisyon na pakikinabangan ng mga OFW. Marami tayong kilalang congressman at senador na sumasakay lang para maging co-author at co-sponsor ng panukala kahit hindi lubusang alam ang nilalaman ng panukala para lang masabing mayroon silang naipasang batas.

Pero iba si Angara, alam niya ang nilalaman ng pinipirmahan niyang panukala na pagdating ng panahon ay kakailanganin ng mga Pinoy na kanyang pinagsisilbihan.