Abante Tonite Interactive

Alamat ng sapatos sa lansangan

422

Yep! Hindi na bago sa atin na habang nagmamaneho ay makakita ng sapatos (kadalasan ay isa lamang, kaliwa o kanan) na nakakalat sa gitna ng mga maluluwag na lansangan gaya lamang ng EDSA, Commonwealth Avenue at iba pang mga kaparehong kalsada.

Normal lamang na isipin natin kapag nakakita ng ganito na marahil ang mga ito ay natanggal sa paa ng kung sino mang nagmamadaling tumawid sa takot na masagasaan o kaya naman ay kumalas habang ang may-ari ay nakasabit sa dyip o kaya ay nangungunyapit sa estribo ng ordinary bus.

At kung mas magiging palamasid ka, mapapansin mo na ang nakakalat sa kalye na kadalasan pa naman ay nasa gitna, ay yaong may mga sintas, bihirang-bihira ang ibang klase.

Matagal din akong napaisip kung ano ba talaga ang totoong dahilan ng pagkalat ng mga de-sintas na sapatos sa lansangan, lalo na sa Commonwealth Avenue na halos araw-araw ay dinadaanan ko.

Ang pinakamadalas na maaring dahilan na pumapasok sa utak ko ay ang pagsablay sa apakan ng mga nakasabit sa dyip pero hindi na tinatangka ng may-suot na kunin pa sa hiya sa ibang kasakay o tsuper nito.

Pero lahat ng mga hinala ko ay nakumpirmang mali nang minsan, sa East bound ng Commonwealth Avenue, ay may nasundan akong trak ng basura na punong-puno ng iba’t ibang uri ng kalat at dumi.

Kitang-kita ko kung paano nalaglag nang magkasunod ang dalawang sapatos na de-sintas buhat sa gilid ng trak, sa bandang ilalim ng dumper (‘yung nilalagyan ng basura at umaangat lamang pag itatapon na ang mga karga).

Dahil hindi naman trapik at hindi rin masyadong nilalatigo ng drayber ang trak ay tinapatan ko ito upang makita ang pinanggalingan ng mga nalaglag na sapatos at nakita ko na ibinibitin lang pala nila ang mga ito doon.

Kaya nalaglag ang dalawang sapatos ay dahil hindi naman mahigpit ang pagkakatali ng mga ito kundi mistulang isinasabit lamang.

Hindi daw inilalagay ng mga basurero ang mga ito sa dumper dahil ginagamit din nila na pangreserbang sapin sa paa kapag nagkaproblema ang mga suot-suot nila habang nango­ngolekta.

Matapos na masaksihan, hindi na ako nag-isip ng iba pa sa mga sumunod na pagkakataon na nakakakita ako ng sapatos na de-sintas na pakalat-kalat sa mga lansangan dahil “maluwag lang ang pagkakasabit sa mga ‘yan.”
Ayos ba?