Abante Tonite Interactive

Alan, Lani niloloko mga botante ng Taguig

11 1,536

Ginagawa umanong ­tanga at bobo ng mag-asawang Taguig Mayor Lani Cayetano at dating Department of Fo­reign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano ang mga botante sa patuloy nilang paggiit na maaari silang tumakbo nang hiwalay sa dalawang congressional district ng lungsod sa May 2019 elections.

Ayon sa kampo ni Leonides Buac, ang petitioner sa disquali­fication case ng mga Cayetano, nilinlang ng mag-asawa ang mga taga-Taguig para lang hindi mawala sa kapangyarihan.

Tumatakbong kongresista sa unang distrito ang dating kalihim ng DFA habang ang pagiging kinatawan naman ng ikalawang distrito ang pinupuntirya ng alkalde.

Giit ni Atty. Emilio Marañon, legal counsel ni Buac, dapat magpasya ang mag-asawa kung sino sa kanila ang tatakbong kongresista at kung aling distrito ito.

Idinagdag ni Marañon na itinatadhana sa desisyon ng Supreme Court (SC) na ang “matrimonial domicile” na idineklara ng isang mag-asawa ang kanilang magiging opisyal na tirahan.

“Even for the purpose of seeking elective public office, the matrimonial domicile fixed by a couple should be their residence or domicile,” giit ng abogado.

Sa kanyang petisyon, sinabi ni Buac na hindi maaaring ikatuwiran ng alkalde na residente pa rin siya ng Bagumbayan, na idineklarang tirahan ng dating kalihim, dahil ang kanyang paglipat sa Two Se­rendra condominium sa Fort Bonifacio ay nagpapakita ng intensyon nilang mag-asawa na lumipat ng ibang tirahan.

“This could not be just her solitary decision, but it must have been a product of mutual agreement between her and Alan Peter,” ani Buac.

Hindi rin aniya maaaring gamitin ng alkalde na kanyang opisyal na tirahan ang condominium unit sa Fort Bonifacio dahil isa lang ito sa kanilang “domicile of convenience.”

Aniya pa, ang parehong unit din ang idineklarang tirahan ng bayaw ng alkalde na si Lino Cayetano nang tumakbo itong kongresista noong 2013.

Ang pareho ring unit ang ginamit ng hipag niyang si da­ting Senator Pia Cayetano nang kumandidato ito sa Kongreso noong 2016.

“If that condominium unit is the legitimate domicile of the three of them, how can three families habitually reside and maintain family life together in such a tiny space,” ayon naman kay Marañon.

Nauna na ring inakusahan ni dating Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes ang mag-asawang Cayetano na imoral at makakapal umano ang mukha dahil pareho umanong kapit-tuko ang mga ito sa kanilang kapangyarihan.

Nilinaw din ni Brillantes na hindi niya sinulsulan o inutusan si Buac para sampahan ng disqualification case ang mag-asawa.

Kahit dati umano niyang chief of staff sa Comelec si Buac, wala siyang alam sa mga aksyon nito at hindi rin aniya ito sumangguni man lang sa kanya bago nagsampa ng petisyon laban sa mga Cayetano.

Samantala, iginiit naman ng mga Cayetano na walang batas na nagbabawal sa kanila na tumakbo sa parehong posisyon kahit na magkaiba pa ang kanilang tirahan.

“Absent an enabling law, the electorate should be the best judge of who they want in public office regardless of family relations,” ayon sa mag-asawang Cayetano.