Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Alanganing kandidato

0 103

Lumabas na ang resulta ng September 6-11,2021 survey ng Pulse Asia sa pinapaborang kandidato kung ngayon gagawin ang presidential elections. Nanguna dito si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng 20 percent, pangalawa si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na may 15 percent, pangatlo si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa 13 percent at pang-apat si Senador Manny Pacquiao na may 12 percent.

Sa apat na nabanggit, sina Moreno at Pacquiao pa lamang ang nakapagdeklarang tatakbo sa pampanguluhang halalan samantalang sina Duterte at Marcos ay hindi pa.

Lalo tuloy lumakas ang pag-asa ng mga supporter ni Sara na magbabago ang isip ni Mayora at magdesisyon na itong lumahok sa darating na presidential race. Kung inyo pong matatandaan, nangako ang alkalde na hindi siya tatakbong presidente dahil nagdeklara na ang kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte na sasabak sa vice presidential elections sa ilalim ng PDP-Laban.

“The result of the latest survey shows that majority of the Filipino people still prefer Mayor Sara to be the next president for the next six years despite her reluctance to seek presidency,” saad ni Anthony Del Rosario, tagapagsalita ng Hugpong para Kay Sara (HPS).

“Mayor Sara’s reluctance to run means she has discernment. This shows she is not a political opportunist,” dagdag pa ni Del Rosario.

Sabi pa niya, nakuha ni Mayor Sara ang tiwala ng publiko dahil sa ‘gentle heart’ niya sa nasasakupan, lalo na sa mga ordinaryong mamamayan. Ipinapakita rin nito ang estilo niya sa pamamalakad sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng “strong political will and a thoughtful mind”, na ayon sa marami ay siyang kailangan ng bansa ngayon.

Ang grupong kinaaniban ni Del Rosario ay itinatag lamang noong Setyembre at kinabibilangan ng iba’t-ibang people-based organizations, mga local na opisyal ng gobyerno at business group na nangungumbinse kay Mayor Sara na tumakbong presidente sa darating na halalan.

Malalaman din natin kung kakagatin ni Mayor Sara ang panawagan sa kanya na tumakbong presidente dahil mayroon itong walong araw para magdesisyon simula ngayong Oktubre 1 hanggang 8, ang panahon ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections para sa lahat ng tatakbo sa 2022 national at local elections.

Leave A Reply

Your email address will not be published.