Abante Tonite Interactive

Alas kumpiyansa sa pagbalik mula injury

By
0 142

Noong Philippine Cup, ­kumaripas ang NLEX hanggang semifinals sa likod ng backcourt tandem nina rookie sensation Kiefer Ravena at Kevin Alas.

Nakarating hanggang semifinals ang Road Warriors ni coach Yeng Guiao bago nabalaho nang yumuko sa Magnolia sa anim na laro.
Inalat na sa dalawang sumunod na Commissioner’s at Governors’ Cups ang NLEX.

Iginupo ng season-ending ACL injury si Alas sa semis noong Marso.

Abante Hiring – IT dep

Makalipas ang dalawang buwan, pinatawan ng FIBA ng 18-month suspension si Ravena dahil sa pagpositibo sa banned substance sa window ng 2019 World Cup Asian Qualifiers ng February.

Pagkatapos ng siyam na buwang rehabilitasyon, unti-unti nang nakakabalik si Alas.

“Okay na,” nakangiting sambit ni Alas nang matanong sa lagay ng injury noong Dis. 16 Rookie Draft.
Sumama na ang 6-foot guard na second pick overall ng Rain or Shine noong 2014 sa tune-up game ng Road Warriors noong unang linggo ng buwan.

Aminado ang dating kamador ng Letran na wala pa siya sa kondisyon, pero unti-unti ay papunta na siya roon.
“Nu’ng una, parang weird ang feeling. Bilis ko mapagod,” wika ni Alas. “First three-pointer ko, airball. Sumigaw si coach Yeng na parang okay lang ‘yan. After nu’n, na-shoot naman. Parang siguro akala ko parang 100 percent na ako pero iba pa rin ‘yun game shape. Kailangan ko pa makuha ‘yung rhythm ko.”

May isang linggo pang magpapakondisyon si Alas bago ang siklab ng 2019 PBA Philippine Cup sa Enero 13.
Nitong offseason, napunan ng NLEX ang kawalan ng big man nang makuha si Poy Erram mula Blackwater kapalit ng first round picks nilang sina Paul Desiderio at Abu Tratter.