Abante Tonite Interactive

Alas ng Palasyo vs Trillanes, itotodo sa SC

By
0 2,284

Tinitiyak ng Malacañang na ilalabas ng gobyerno ang lahat ng alas para patunayan sa Korte Suprema kung bakit pinawalang bisa ang amnestiya ni Senator Antonio Trillanes IV.

Kasunod ito ng inihaing petisyon ng mga abogado ni Trillanes sa Korte Suprema para pigilin ang implementasyon ng Proclamation 572 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bibigyan ng pagkakataon ang mga abogado ng gobyerno para magkomento sa inihaing petisyon ni Trillanes kaya tiyak na nakahanda na si Solicitor General Jose Calida para dito.

“Im sure the government will be given an opportunity to file its comment, and in the comment lahat na po ‘yung basehan kung bakit sa tingin ng gobyerno null and void ab initio ‘yung amnesty will be invoked by the Republic,” ani Roque.

Naunang ibinunyag ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na hindi si Pangulong Benigno Aquino III ang pumirma sa amnestiya ni Trillanes kundi si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin na hindi pinapayagan sa batas kaya doon pa lamang ay may problema na ang senador.

Binigyang-diin ni Roque na malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na tanging ang Pangulo ng bansa lamang ang maaaring magbigay ng amnestiya at hindi ang kahit na sinong opisyal lamang.

“The President believes that it should have been President Aquino himself who should have granted the amnesty,” ani Roque.

Sinabi pa ni Roque na ang Pangulo ay abogado at mayroon itong kakayanan na bumuo ng kanyang legal conclusions patungkol amnestiya ni Trillanes.