Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Alay lakad’ sa Antipolo muling kinansela

0 705

SA pangalawang sunod na pagkakataon ay kanselado ang tradisyunal na religious pilgrimage paakyat sa Antipolo – mas tanyag sa tawag na “Alay Lakad” – para makatulong na maiwasan ang mabilis na pagkalat ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas dahil sa mas nakakahawang strain o variant.

Ito ang inanunsyo ni Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynare, kasunod ng ginawa niyang pulong sa Diocese of Antipolo at Antipolo Cathedral.

“Nakakalungkot pero kailangan po natin na kanselahin muli ang tradisyunal na ‘Alay Lakad.’ Kami po ay humihingi ng pag-unawa sa mga deboto dahil inaalala naming ang kalusugan at seguridad ng mga tao lalo na sa kakaibang panahon na ito, kung saan mas mabilis na kumakalat ang COVID-19 dahil sa bagong strain,” sinabi ni Mayor Ynares.

Dagdag pa ni Mayor Ynares, ginawa nilang maaga ang anunsyo para sa mga nagpaplano na umakyat sa Siyudad sa Semana Santa.

Sa mga nagdaang taon, natutulog ang mga deboto sa mga kalsada kasunod ng “Alay Lakad” o walk offering sa gabi ng Huwebes Santo at uuwi sa Biyernes Santo matapos mag-ikot sa Antipolo.

Samantala, pinaalalahanan naman ni City Disaster Risk Reduction Management Council Chief Relly Bernardo ang publiko na panatilihin ang minimum health protocols.

“Welcome po ang lahat ng mga bibisita sa Antipolo City. Alalahanin lang ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, face shields at lagging magdala ng alcohol,” sinabi nito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.