Abante Tonite Interactive

Albayalde, 12 ‘ninja cops’ tinuluyan ng DOJ

436

Inutos ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban kay retired Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde at sa 12 pulis kaugnay ng kontrobersyal na anti-drug operation sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Sa resolusyon ng prosecution panel na nagsagawa ng panibagong imbestigasyon sa naturang drug raid, nakitaan umano ng probable cause o sapat na dahilan para sampahan ng kaso si Albayalde dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ito’y dahil hindi umano ipinatupad ni Albayalde ang utos na patawan ng parusa ang mga pulis na sangkot sa ­kinuwestyong drug raid.

Pinasasampahan naman ng kasong pag­labag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Supt. Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV; Insp. Joven Bagnot De Guzman, Jr.; Senior Police Officer 1 Jules Lacap Maniago; SPO1 Donald Castro Roque; SPO1 Ronald Bayas Santos, SPO1 Rommel Muñoz Vital; SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinio; PO3 Dindo Singian Dizon; PO3 Gilbert Angeles De Vera; PO3 Romeo Encarnacio Guerrero, Jr.; SPO1 Eligio Dayos Valeroso; at SPO1 Dante Mercado Dizon.

Nirekomenda rin ng prosecution pa­nel na kasuhan si Albayalde at ang 12 pulis ng qualified bribery sa ilalim ng Revised Penal Code.

Samantala, nagbigay ng pahayag si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kaso ni Albayalde at mga tinaguriang ‘ninja cops’.

Aniya, patunay lamang ito na hindi natutulog ang batas at walang sinomang makatatakas sa pag-uusig nito.

“The filing of criminal charges by the DOJ against P/Major Baloyo et al only shows that the law does not only have a long arm. It also has a very long memory,” tweet ni Lacson. (Juliet de Loza-Cudia)