Abante Tonite Interactive

Albayalde ‘di kuntento sa paliwanag ng ABS-CBN

915

Sa kabila ng inilabas na statement ng ABS-CBN na pawang fictional lang ang mga karakter sa teleseryeng “Ang Probinsyano” ay itutuloy pa rin ni Philippine ­National Police (PNP) chief Director Gene­ral ­Oscar Alba­yalde ang pakikipag-usap sa producer nito dahil sa ipinapalabas na masamang imahe ng kapulisan sa nasabing teleserye.

“Alam naman natin almost all naman na pinapalabas natin are fictions. Ang sa atin naman dito ‘yung tinatawag natin na social responsibility. Naintindihan natin ‘yung views nila and hopefully they will also understand our views and also other people’s views also. Remember merong kasabihan na kung anong nakikita ng bata na ginagawa ng nakatatanda sa mata ng bata ay parang tama hindi ba?” paha­yag ni Albayalde sa isinagawang ambush interview sa isang gun show sa SM Megamall sa Mandalu­yong City kahapon.

Paliwanag pa ni ­Albayalde na ang nasabing teleserye ay ­gabi-gabing napapanood ng mga ­kabataan kaya dapat ay maging aware ang mga nasa likod ng palabas hinggil sa social responsibility.

Dagdag pa nito na ang main character na si Cardo Dalisay na pinagbibidahan ni Coco Martin ay mabuting pulis pero kung ang buong organisasyon na umano ng PNP ang isasama lalo na ang hindi paggawa nang mabuti ng PNP chief sa teleserye ay makakapag-create umano ito ng masamang impresyon ng kapulisan sa mga manonood.

Pero nilinaw ni Albayalde na wala silang nire-request na ipatigil ang teleserye kundi ang punto lang nila ay ang pagpapalabas na masama ang imahe ng PNP.

“Unang-una we make one thing clear here, hindi po kami nag-request na ipatigil ‘yan lalo na ‘yung mga fans. What we want to is audience lang so we can give our views also at hindi lang naman kami,” paliwa­nag ni Albayalde.
Matatandaang kamakalawa ng hapon ay inalmahan ni Albayalde ang pagpapalabas ng “Ang Probinsyano” dahil sa pinapasama umano nito ang imahe ng mga pulis.