Abante Tonite Interactive

Alcatraz style: Mga rapist, murderer ikulong sa West Philippine Sea

0 384

Iminungkahi ng Malacañang na ilipat sa ibang lugar o isla na mala-Alcatraz style ang mga kilabot na kriminal na nakapiit sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa ganitong paraan ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ay maihiwalay ang mga presong nakagawa ng mabigat at karumal-dumal na krimen sa mga ordinaryong preso na magaan lamang ang nagawang kasalanan.

Sa ganitong paraan aniya ay matutukoy agad kung ang isang bilanggong masasakop ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law ay may magaan o mabigat na kaso.

Inirekomenda ni Andanar na ilagay sa West Philippine Sea ang mga convict na nakagawa ng mabigat na kasalanan, habang ang iba naman ay sa mga lugar na maaari silang mareporma at maturuan ng pangkabuhayan.

“Yung National Bilibid Prison diyan sa Munti, ilagay somewhere na mayroong isla. Doon sa ano siguro, doon sa West Philippine Sea. Baka may maliit na isla doon, ” ani Andanar.

Ang Alcatraz ay dating military prison sa isang isla sa San Francisco Bay sa Amerika na kalaunan ay naging kulungan din ng mga hinatulan ng pagtataksil noong panahon ng civil war sa Amerika.

Matatandaang panahon pa ng Arroyo administration may planong ilipat ang NBP sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, subalit hindi pa naisasakatuparan hanggang sa ngayon. (Aileen Taliping)