Abante Tonite Interactive

Alden-Coco malaking bakbakan ng taon

By
2,622

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Magsisimula na ang bakbakan ng taon! Sa Lunes nang gabi ay magtatapat na ng time slot ang Ang Probinsiyano ni Coco Martin at ang serye ng Pambansang Bae na Victor Mangtanggol.

Sabi ng isang kaibigan namin ay ang tapang-tapang daw ni Alden Richards dahil ang pinili pa niyang makaengkuwentro sa oras ay ang serye ni Coco Martin na palaging nasa ituktok ng tatsulok ng labanan ng mga numero.

Simple lang ang aming tugon. Walang masama. Hindi krimen ang desisyon ng GMA 7 na isabak si Alden sa isang seryeng halos tatlong taon nang sinusubaybayan ng ating mga kababayan.

Walang masama sa pagsubok, lalo na’t hindi naman natin nariringgan ang bida ng Victor Magtanggol na gusto niyang talunin ang serye ni Coco, desisyon ng network ang banggaan kaya artista lang siya ng serye na walang karapatang tumutol.

Mukha talaga ng lipunan ang serye ni Coco Martin, kung ano ang nagaganap sa ating ba­yan ay sinasabayan din nila, mahirap bumitiw sa isang palabas na na­ging bahagi na ng ating buhay.

Pero hindi dapat magpapetiks-petiks ang Ang Probinsiyano, bagong putahe ang ihahain ni Alden, idagdag pa na tulad ni Coco ay napakalawak din ng balwarteng hawak ng Pambansang Bae.

Mula sa pagkanta, pagsayaw at pagkaway-kaway ay ngayon lang mapapanood si Alden Richards sa isang pinaghandaang serye. Tagapagtanggol din ng mga naaapi si Victor Magtanggol, matibay rin ang cast ng palabas, ma­laking labanan ang ating hihintayin bukas nang gabi.

Tignan natin kung mas mamamayani ang karisma ni Alden Ri­chards sa publiko. Tingnan natin kung mas dadagdagan ni Coco Martin ang mga eksena ng bakbakan sa kanyang palabas.

Manalo-matalo ang alinman sa dalawang serye ay may nag-iisang panalo. Ang sambayanang tututok sa da­lawang palabas. Sila ang mabubusog.