Alden inaabangan sa Koreanobela

NI: ARCHIE LIAO
Marami ang na-curious na mga faney ni Alden Richards sa kanyang latest post sa kanyang Twitter account.
Quote kasi niya: “It’s okay not to be okay.”
Nanghula ang kanyang followers na sinusubaybayan ng Kapuso actor ang pinag-uusapang K-drama na napapanood sa Netflix na may kaparehong title.

Sey nila, bagay na bagay raw kay Alden ang role na ginagampanan ni Kim Soo-hyun bilang isang caregiver sa isang mental hospital . ‘Yung may madilim na nakaraan na nakahanap ng kakampi sa isang children’s book writer na may antisocial personality disorder.
Hirit nila, ang ganitong klase raw ng role na dark at edgy ang hinahanap ngayon ni Alden na hahamon sa kanyang kakayahan bilang actor.
Dagdag pa nila, sana raw ay gawan ng GMA-7 ng Pinoy adaptation ang nasabing popular na Koreanovela na pagbibidahan ni Alden.
Meron namang ilang nahiwagaan kung may dinaramdam daw ang aktor dahil sa kanyang kontrobersyal na post.
Kung naudlot daw ito sa paghahanap ng girlfriend dahil sa pandemya tulad ng plano niya noong hindi pa pumuputok ang COVID-19, huwag daw mag-alala ang actor dahil darating din ang babaeng itinakda sa kanya ng tadhana sa tamang panahon.