Abante Tonite Interactive

Alden type magpa-direk kay John Lloyd

380

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang aktor na si Alden Richards sa tagumpay na nakamit ng “Hello, Love, Goodbye”. Lalo na at record-breaking ang kinalabasan ng pelikula.

Bukas din ang aktor sa ideya na magkaroon ng ito ng part 2. Subalit sa ngayon ay ninanamnam muna nila ang tagumpay na nakamit nito.

Samantala, bukod sa posibilidad na magkaroon ng sequel ang pelikula, bukas rin ang aktor sa posibilidad na maging direktor ang kanyang idolo na si John Lloyd Cruz.

Kamakailan kasi ay muling naging laman ng balita si JLC dahil sa unang beses niyang pagsubok na magdirihe. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagdirek siya ng isang music video mula sa grupong Sugar Hiccup.

Sa panayam kay Alden, sinabi niyang isang karangalan ang maging direktor ang kanyang iniidolo. Pagdating kasi sa aktingan ay labis niyang hinahangaan at tinitingala si Lloydie.

Ito rin ang naging inspirasyon niya para mas pagbutihan ang pag-arte dahil itinuturing niya itong mentor, senior at kuya. Nang makapasok kasi siya sa showbiz ay naging magkaibigan sila ng batikang aktor.

Hiling ni Alden na sana ay magkaroon siya ng tiyansa na makatrabaho ang idolo. (Ronaline Avecilla)