Abante Tonite Interactive

Alerto sa Pasko

0 149

Wala nang dalawang buwan, Pasko na! Kaya nagsisimula nang mamili ng mga panregalo ang marami nating kababayan. Dahil dagsa ang mga tao sa mga mall at shopping center, mu­ling nagpaalala ang mga awtoridad. Doble-i­ngat ngayong Kapaskuhan!

Salisi, snat­ching at holdup ang karaniwang krimen ngayong Christmas season. Huwag nang magsuot ng mga mamaha­ling alahas o palamuti sa katawan kung aalis ng bahay para mag-shopping. Mas mainam ang simpleng pananamit.

Maging alerto sa mga kawatan lalo na kung siksikan sa lugar na iyong pupuntahan. OK din kung pag­hihiwa-hiwalayin ang pera. Huwag lang sa iisang bulsa ito ila­gay. Sakaling madukutan ng masasamang loob, may matitira pa sa dala mong budget.

Mabilis ang mga salisi – kaya dapat laging mapagmatiyag at alisto sa paligid.

Hangga’t maaari, huwag ding makipag-usap sa mga hindi kakilala. Kung sa tingin mo’y may umaaligid o sumusunod sa’yo, agad pumunta sa pinakamalapit na barangay o police outpost.

Marami rin ang nagbabakasyon tuwing Christmas season.

Dahil alam ng mga masasamang loob na marami ang out of town ngayon, madalas — sinasamantala nila ang pagkakataon para makapanloob.

Importanteng maglagay ng alarm system sa bahay, bukod pa sa mga naka-install na CCTV. May mga cellphone app na rin kung saan puwedeng makita nang live o real time ang nangyayari sa loob at labas ng iyong bahay.

I-save sa phone book ang emergency numbers kabilang ang numero ng pamilya at mga malalapit na kaibigan. Isama rin sa call list ang hotline number ng PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno na puwedeng sumaklolo sakaling magkaroon ng problema.

Ang sa akin lang, hindi lang dapat merry ang Pasko – higit sa lahat, kailangang ligtas tayong lahat sa anumang krimen o sakuna. Dapat lagi tayong handa.