Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Alfamart unli pasaway sa contact tracing

0 515

Iniutos ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang pagpapasara sa isang pasaway umano na convenience store sa kanilang lungsod dahil sa paulit-ulit na pagkabigo na ipatupad ang contact tracing system sa naturang establisimiyento.

Tinukoy ni Gatchalian ang Alfamart sa Brgy. Ugong na aniya ay dati nang kinandado ng pamahalaang lungsod dahil sa kawalan ng mobile phone na magre-record sa impormasyon ng kanilang mga kustomer para sa contact tracing ng mga taong nagpositibo sa COVID-19.

“Paulit-ulit kayong pasaway ayaw ninyong sumunod sa mga patakaran,” ang naiiritang pahayag ng alkalde.

Sa ilalim ng ValPass system, kailangang magkaroon ng smartphone ang bawat establisimiyento para ipang-scan sa QR Code ng kanilang mga kustomer.

Kokolektahin ang data ng mga kustomer at ilalagay sa server ng pamahalaang lungsod na siya namang tutukoy sa mga taong nagkaroon ng close contact sa mga nagpositibo sa COVID-19.

“Pasensiyahan po tayo. Paulit-ulit na lang kayo Alfamart. Last year after we lifted the closure of some of your branches your regional bosses promised us na hindi na mauulit,” paalala pa ni Gatchalian.

“We’ve got it all for you raw. Pero simple na phone for scanning wala,” pasaring pa ng alkalde sa pamunuan ng Alfamart. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.