Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Alisin ang limit sa deployment ng mga dok, nars

0 107

Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ng mga healthcare workers nang tanggalin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang ban sa pagpapadala sa abroad ng mga health workers.

Natuwa sila dahil inalis na ang ban, pero may agam-agam pa rin kung mapapasama sila sa papayagang makaalis para makapagtrabaho sa ibang bansa. Limitado lang kasi sa 5,000 healthcare workers ang makakalipad kada taon.

Isipin nyo na lang. Sangkatutak ang mga nurse sa bansa na gustong makapag-abroad pero kasama sa maiipit ng cap ang mga doctor, microbiologists, molecular biologists, medical technologists, clinical analysts, respiratory therapists, pharmacists, laboratory technicians, x-ray technicians, nursing assistants, operators ng medical equipment, supervisors ng health services at personal care and repairmen ng medical-hospital equipment.

Hindi sang-ayon si Rep. Mike Defensor ng Anakalusugan sa ganitong patakaran. Ayon pa sa vice-chairman ng House committee on health, mabibilad lamang sila sa exploitation simula sa panahon na sila ay nag-aaply para sa overseas employment certificate hanggang sa makarating sila sa immigration counter.

Katuwiran pa ni Defensor: “There’s really no point in restraining our healthcare workers from leaving for abroad, if we can’t provide them good-paying jobs here at home.”

Oo nga naman. Hahayaan ba ng gobyerno na mamatay sa gutom ang kanilang pamilya? At saka kung matagal na silang hinihintay ng kanilang foreign employer, marapat lang siguro na payagan na silang makalipad at makapagtrabaho.

Mabawasan man tayo ng health workers sa bansa, maganda naman ang idudulot nito sa ating ekonomiya dahil sa ipapadala nilang remittance sa kanilang pamilya.

Kung maganda lang sana ang pasahod sa mga health workers sa Pinas, hindi na sila mag-iisip pang mangibang-bansa. Kaya naman maganda ang naging hakbang ng kinatawan ng Anakalusugan Partylist na maghain ng panukalang batas para itaas sa P60,901 ang entry-level ng buwanang sahod ng government nurse.

Kapos sa pondo ang gobyerno kaya’t dadaan sa butas ng karayom ang panukala ni Rep. Defensor. Kung hindi kakayanin, sana ay alisin na lang ang limit sa pagpapadala ng health workers sa ibang bansa para sila’y makapagtrabaho na doon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.