Abante Tonite Interactive

Alisin sa kalye ang mga killer driver

383

Nakakagalit to the max ang nangyari sa mga estu­dyanteng inararo ng isang jeepney sa Makati nitong nakaraang linggo kung saan isang 14-anyos na binatilyo ang nasawi. Ang lalo pang nakaka­galit, bukod sa lumilitaw na walang lisensya ang driver, mantakin mong nakagamit pa raw ng droga.

Laging paalala ng mga nakatatanda sa mga bata kapag umaalis ng ­bahay at papasok sa ­eskuwelahan: “Mag-ingat sa pagtawid at sa tamang tawiran dumaan.” Iyon ang ginawa mga tsong ng mga estudyante, tumatawid sila sa pedestrian lane at may mga enforcer pang umaalalay nang biglang sumulpot ang hinayupak na driver na nagngangalang Crizalde Tamparong, at parang bowling ball na sinargo ang mga bata.

Gaya ng ibang mga aksidenteng kinasangkutan ng mga pampasaherong sasakyan (bus, UV express, taxi at iba pa), ang gasgas na linyang nawalan ng preno ang idinahilan ni Tamparong. Kung nakakapagsalita lamang ‘yung preno, baka ‘di lang magkabilang sampal at tadyak ang inabot nung driver — bakit ba pinababa­yaan nila ang preno ng ­sasakyan gayung alam nilang lagi silang nasa kalye? Mabuti’t hindi sila nawawalan ng preno kapag miyembro ng pamilya nila ang sakay nila at mababangga nila ang isang nag-overtake na pison?

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabistong ­nasangkot na rin sa aksidente noong nakaraang taon si Tamparong at hindi pa nito natutubos ang lisensya. Ang tanong…bakit siya pinayagan ng operator ng jeepney na magmaneho o ipasada ang sasakyan? Aba’y hindi naman siguro basta uubra na idahilan lang ng operator na hindi niya alam na walang lisensya ang driver niya, o hindi niya alam na nakaaksidente ang sasakyan niya.

Isa ‘yan sa mga dahilan kaya maraming driver ng PUV na walang lisensya ang nakapapasada dahil hinahayaan ng mga ope­rator na mukhang pera.
Hahayaan nila ang driver na pumasada kahit hindi nila alam kung may lisensya basta makapagbibi­gay sa kanila ng boundary. Ang matindi pa niyan, panay ang kabig nila pero hindi inaalagaan ang kondisyon ng sasakyan dahil ayaw nilang gumastos. Kaya may mga PUV na pudpod ang gulong o sumasablay ang preno.

Wala na nga sa kon­disyon ang sasakyan, walang lisensya ang driver, aba’y ­nakadroga pa. Akala siguro ng ­ungas na driver eh ero­plano ang minamaneho niya at nasa runway siya ng airport kaya humaharibas ng arangkada. Dahil sa kapabayaan ng operator na ipahawak sa adik na walang lisensya ang kaniyang jeep, ayun, isang bata ang nagbuwis ng buhay at anim na iba ang nasaktan na tiyak na nagkaroon ng matinding trauma. Hindi naman siguro uubra ang sorry lang sa kasong ito.

Dapat magsilbing panggising [na naman!] sa Land Transportation Office (LTO) at iba pang kinauukulang ahensiya ang nangyaring ito. Malamang na hindi lang si Tamparong ang driver ng PUV na nagmamaneho nang walang lisensya at gumagamit ng droga. Kung mayroon mang lisensya, maraming driver ang sangkaterba ang traffic violation, na kung ipatutupad lang ang tamang patakaran ng batas eh malamang na natanggalan na sila ng lisensya o nasuspindi man lang.

Sa isang ulat ngang lumabas noong nakaraang taon, aba’y napakaraming bus driver ang nakagawa ng paglabag sa batas trapiko pero hindi nila pinapansin ang mga ipinapadalang violation ticket nila. Ang tanong, bakit malakas ang loob nila at kinukunsinti ng operator?

Ang madalas daw na paglabag sa batas trapiko na ginagawa ng mga dri­ver ay pagmamaneho ng walang lisensya at reckless driving. Sa dalawang ito, higit na nakakatakot ang reckless driving dahil maaaring pagmulan ‘yan ng aksidente. At hanggang ngayon nga, napakarami pa ring driver na nagte-text at tumatawag sa cellphone kahit tumatakbo. Ang tanong na naman, bakit? Sabagay, marami pa rin namang driver na nagmamaneho nang lasing pero hindi rin nasisita.

Sana ay magkaroon ng kabuluhan ang pagbubuwis ng buhay ng batang inararo ni Tamparong at maging daan para magkaroon ng kampanya ang LTO laban sa lahat ng pasaway na driver [pribado man o PUV]. Sa halip na balita na may driver na adik na walang lisensya ang nasangkot sa aksidente, ang ibida naman sana ng LTO eh pagparada nila sa media ang mga nabisto nilang mga driver na adik o walang lisensya na patuloy na pumapasada.

Dapat tandaan na hindi karapatan kundi pribilehiyo ang lisensya sa pagmamaneho, na maaa­ring alisin kapag pasaway ka sa daan at maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng iba. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”