Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Alisto sa online at text scam

0 160

Tumaas mga tropapips ang mga nairereport na iba’t ibang uri ng panloloko sa internet at text na kung tawagin ay “scam” ngayong panahon ng pandemic at kapasukuhan. Ang iba, hindi lang pera ang kinukuha kung hindi pati ang “puso” ng biktima.

Dahil may pandemic, maraming transaksiyon ang ginagawa na lang sa pamamagitan ng internet o online. Tulad sa pag-order ng mga pagkain at gamit, na ang iba eh sa online din ang bayaran. Kaya naman matinding “work from home” ang ginagawa ng mga high-tech na kawatan.

Kung katulad ka ng isa nating kurimaw na piniling maging “old school” na ayaw mag-Facebook o anumang klase ng social media, malaki ang tiyansang hindi ka mabiktima ng mga kawatan online lalo na ngayong kapasukuhan.

Pero marami rin tayong mga kababayan na hindi na mabubuhay nang walang internet…kahit nga isang oras lang. At marami rin ang mas gustong online na ang pamimili at maging ang pagbabayad ng mga bills para ligtas COVID. At ito ang sinasamtala ng mga buraot na scammer.

Kamakailan lang, may isang nag-invest sa nakita niya sa social media na ang puhunan na ipapasok eh may kapalit na maling tubo sa sandaling panahon lang. Noong una, naglagay siya ng P10,000 na kapital at natanggap naman niya agad ang sinasabing interest na halos kalahati.

Sa tuwa, nagpasok uli siya ng doble sa una niyang ipinadala pero hindi kaagad naipadala ang tubo niya dahil sa dami raw ng transaksyon. Ang payo sa kaniya, magpasok pa ng mas malaking puhunan at para pagsasamahin na ang ipadadala niyang kita.

In-short, nagdagdag pa siya ng P80,000, at mula noon eh hindi na niya nakausap ang kaniyang ka-transaksiyon at naglaho na parang bula ang kaniyang pera.

May iniulat naman na mga taong nakatanggap ng email sa inaakala nilang galing sa bangko nila na nagsasabing mayroon silang matatanggap na regalo at discount ngayong pasko.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Dahil inakalang bangko nga nila ang nag-email at ang “link” ng website na kanilang pinuntahan ay kamukha ng kanilang bangko, hindi sila nag-atubili na mag-log in na kasama sa hiningin impormasyon na tungkol sa kanilang account. Maya-maya lang, nalimas na raw ang pera nila sa account.

Kadalasang pera at impormasyon mga tropapips ng mga biktima ang target ng mga kawatan. Pero may mga buraot na scammer na pati ang “puso” ng biktima eh kanilang kinukuha–ang “love o romance” scam.

Ang mga kulokoy, naghahanap ng taong kanilang mapapaibig sa social media. Kadalasang gumagamit sila ng pekeng pangalan at larawan para maakit ang kanilang biktima. Kapag nahulog na ang loob at nabihag na ang puso ng kanilang target, saka sila gagawa ng kung anu-anong dahilan para makahingi ng pera.

Kabilang diyan ang kunwaring may ipinadalang bagahe para sa biktima pero maiipit sa customs at kailangan ng perang pambayad. Minsan naman ay magkukunwaring may emergency na kailangan niya ang pera o kaya naman ay hihingan niya ng pera ang biktima para mapuntahan siya. Pero kapag naipadala na ang pera, goodbye bunot na ang hinayupak.

Uso rin ang mga nagpapadala ng text message na magsasabi na nanalo ka sa lotto o raffle, o may special gift kang matatanggap. Pero hihirit muna ang mga kolokoy na magpadala ng pera o kaya naman ay sagutin ang ilang tanong tungkol sa mga impormasyon na puwede nang nakawin ang iyong identity o kaya eh account.

Maging alerto rin mga tropapips sa mga nakikitang promo lalo na sa social media na “online sales” o “online gadget giveaway” sa mga hindi siguradong shopping website. Para makatiyak mga tropapips, suriin kung ang website na pupuntahan ay may encrypted na “https://” sa unahan ng kanilang “URL.”

Iba’t ibang klase ang ginagawa ng mga high-tech na kawatan para makahanap ng kanilang mabibiktima sa paraan ng phishing o email spoofing. May mga nagpapain ng kunwaring nanalo ka ng gift certificate, rewards, credit card upgrade at kung ano-ano pa.

Ilan sa payo ng mga awtoridad para hindi mabiktima, kung wala kang sinalihan na lotto o promo, magduda na; kung nagmamadali ang katransaksyon sa bayaran sa money transfer, magduda na; kung hindi kilala at ayaw magpakilala, magduda na; at higit sa lahat, if it’s too good to be true [gaya ng malaking tubo na kita o sobrang mura ng produkto], malamang it’s a scam. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.