Almazan ‘nambulaga’

232

Sorpresang dumating­ sa Smart Araneta Coliseum si Raymond Almazan nitong Miyerkoles, nag-uniporme at sinabihan si coach Norman Black na maglalaro siya sa Game 4 ng PBA Governors Cup Finals.

Inabot ng torn meniscus sa kaliwang tuhod si Almazan, tumiklop sa first quarter ng Game 3 loss ng Meralco noong Linggo.

Dapat ay sasailalim sa operasyon ang 6-foot-8 big man, pero ipinagpaliban niya muna dahil gustong makatulong sa team.

“Tinanong ako ni coach kung gusto maglaro, eh,” lahad ni Almazan. “Sabi ko kaya ko. Tapos uminom na lang akong pain killers.­ ‘Yun, three-times-a-day, ‘di ko siya masyadong maramdaman.”

Halatang ‘di kumportable sa tuhod si Almazan, pero tumapos pa rin ng 12 points mula 5 of 14 shooting, may 9 rebounds at isang block sa loob ng halos 28 minutes. Pang-ayuda ‘yun sa 21 points, 27 rebounds at 7 assists ni Allen Durham.

Pero tinambakan ng Ginebra ang Meralco 94-72, lubog ang Bolts sa best-of-seven sa 3-1.

Pipiliting pahabain ng Meralco ang series sa Game 5 ngayong Biyernes sa MOA Arena, malamang na maglaro muli si Almazan.

“Meron pa rin siyang konting kirot,” dagdag ng center. “’Di ko sinasabing bayani ako, pero gusto ko talagang manalo, eh. ‘Yun ‘yung way para makatulong ako sa team.”

Saka na aniya ang operasyon.

“Ooperahan siya after ng series. Six weeks akong pahinga. Pero gusto ko talagang tapusin ‘tong series,” panapot na giit niya. (VE)

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...