Abante Tonite Interactive

Almusarap at sustansiya

408

ANG SA AKIN LANG
Julius Segovia

julius-segoviaMaraming sasang-ayon sa akin na lagi tayong busy. Ika nga ng ilan, always on the go. Dahil laging humahangos, pati pagkain ng almusal nakakaligtaan na.

Totoo ang kasabihang “breakfast is the most important meal of the day”, so don’t skip. Sabi ng mga medical expert, kailangan nating kumain ng almusal para tumalino at lumakas.

Sa kotse inihalintulad ni Dr. Willie Ong ang katawan ng isang tao. Gaya ng sasakyan na pinakakargahan ng ga­solina para tumakbo at hindi tumirik, ang ating katawan ay manghihina kapag wala tayong pagkain.

Aniya, kailangan ng utak natin ng pagkain para gumana. Tandaan natin na halos 10 oras nang walang laman ang ating tiyan paggising sa umaga, kaya dapat lang malamnan ang sikmura. Almusal ang nagbibigay sa atin ng lakas at e­nerhiya para harapin ang mga hamon at pagsubok sa buong araw.

Sabi naman ng ilang eksperto, higit na may benepisyo ang almusal sa mga bata o growing kids.

Ang mga batang kumakain ng almusal ay nakakakuha ng mas mataas na grado sa eskuwela kumpara sa mga batang gutom. Mas alerto, matalino at mabilis sumagot ang mga batang busog, kumpara sa mga hindi nag-almusal.

Related Posts

Bigyan lang ng masustansyang almusal ang mga bata tulad ng isda’t gulay, gatas na mayaman sa protina, carbohydrates at fats, nila­gang itlog, prutas gata ng sa­ging, mansanas, papaya at mangga. Mainam din ang cereals. May kamahalan pero sagana ito sa bitamina at minerals.

Gaya ng mga bata, ang mga matatandang hindi kumakain ng almusal ay hirap makapag-focus sa trabaho. Mabilis silang mawalan nang sigla at para bang laging balisa.

Para hindi aantok-antok at hindi mapaga­litan sa trabaho, kumain ng almusal. Bagay sa mga may edad, may diabetes at may mataas na cholesterol ang yogurt o skim milk. Healthy rin ang oatmeal sa umaga. Ang pagkain ng isang tasang oatmeal kada araw ay puwedeng magpababa ng ating cholesterol.

Maaaring magkaroon ng ulcer o pananakit ng tiyan ang mga taong hindi nag-aalmusal. Para makaiwas dito, kaila­ngan tayong kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw.

Puwede ring magdulot ng migraine ang paglaktaw ng almusal. Ang hindi pagkain ng aga­han ay dahilan din para bumaba ang sugar level sa ating dugo na puwedeng magdulot ng pagtaas ng blood pressure kaya tayo nahihilo at sumasakit ang ating ulo.

Hindi rin malayong makaranas ng paglalagas ng buhok ang mga taong hindi kumakain ng almusal. Nababawasan kasi ang protina ng ating katawan dahilan para bumaba rin ang lebel ng keratin na nagpapaganda at nagpapalago ng ating buhok.

Ang sa akin lang, kung gusto nating ma­ging masigla at malusog ang ating panga­ngatawan, huwag kaka­ligtaan ang masustan­syang almusal.