Abante Tonite Interactive

ALTAS TUMAKAS SA STRIPE

130

Kinapitan ng Perpetual Help ang double-double performance ni Prince Eze at clutch free throws ni Genmar Ylagan para kalawitin ang pahirapang 68-65 panalo laban sa San Sebastian College kahapon sa 93rd NCAA basketball tournament sa FilOil Arena sa San Juan.

Tumipa si Ylagan ng 15 points huli ang apat na crucial free throws at three rebounds, nanga­labaw ng 12 points at 13 rebounds si Nigerian center Eze at hinablot ng Altas ang pangalawang sunod na panalo tungo sa 2-2.

Matapos isalpak ng nasa final season na niyang si Ylagan ang huling pares ng freebies, binutata nito ang 3-point attempt ni Allyn Bulanadi upang biguin ang Stags na humirit ng overtime.

“Masaya kami sa panalo, dahil ang hirap bago namin nakuha,” ani Ylagan.

Hawak ng Perpetual ang walong puntos na abante sa halftime 30-22, pero nakipagsabayan ang Stags hanggang sa huling minuto.

Tumikada rin sina Jeff Coronel at Jonathan Yuhico ng 10 at nine points ayon para sa Perpetual.

Nirehistro ni Michael Calisaan ang 14 markers at eight boards, may 13 at 12 sina Ryan Costelo at Bulanadi para sa Baste na isa pa lang ang naipanalo sa apat na salang.

Sa pangalawang laro, tinalo ng Letran ang Arellano 82-75 at sinakyan ng Knights (3-2) ang third spot.