Abante Tonite Interactive

Alvarez kay Gascon: ‘Ang kapal ng mukha niya’

By
14

“Eh kapal nga ng mukha niyan eh.”

Ganito inilarawan ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez si Commission on Human Rights (CHR) Chairman Jose Luis Martin ‘Chito’ Gascon dahil wala itong planong mag-resign para maibalik ang mahigit P623 milyong budget ng ahensya.

“Alam mo nang hindi mo ginagawa ‘yung trabaho mo ay nagpupumilit ka pang…kapit-tuko ka pa rin diyan sa posisyon mo…aba’y hindi na kailangan kung meron mang konting kahihiyan na natitira sa kanya…hindi na siya dapat pang sabihan,” ayon kay Alvarez.

Nanindigan si Alva­rez na tama lang ang P1,000 budget ng CHR na inapru­bahan sa plenaryo ng Kamara dahil hindi ginagawa ng komisyon ang kanilang trabaho.

Piling-pili lamang, aniya, ang tinutulungan ng CHR para ipagtanggol ang karapatang pantao kaya binigyan nila ito ng P1,000 budget para sa susunod na taon.

“Hindi mo na nga ginagawa ‘yung trabaho mo, gusto mo sumusuweldo ka pa sa gobyerno?” ayon pa kay Alvarez.

Hindi rin naniniwala si Alvarez na maging ugat ng hindi pagkakaunawaan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang P1,000 budget ng CHR dahil karamihan sa mga senador ay hindi pabor na ganito kaliit ang pondong ibibigay sa komis­yon. Bukas umano sila sa pag-uusap sa mga senador ukol sa nasabing isyu.

“Hindi naman siguro magkaroon ng conflict sa Senado, madali lang naman kami mag-usap,” wika ni Alvarez. Pero nanindigan ito na hindi bibigay sa pakiusap na huwag nang himayin pa ang mga pagkukulang ng CHR.

Sinabi pa ni Alvarez na ililipat ang budget ng CHR sa libreng tuition fee sa kolehiyo dahil mas kailangan ito ng mga mahihirap na estudyante kaysa sa tanggapan ni Gascon.

“Para sa akin kasi bakit ang gobyerno natin, nagbibigay ng milyon-mil­yon na pera para diyan eh pwede naman nating ilagay ‘yan doon sa scholarship ng mga estudyante para wala nang bayad ‘yung tuition nila. ‘Yung free tuition na inaprubahan namin, eh ‘di ilagay na lang natin doon! Wala rin namang silbi ang human rights na ‘yan!” diin pa ni Alvarez.