Abante Tonite Interactive

Alvarez paawa, umaareglo kay Sara

472

Nais na umanong makipag-ayos ni dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez sa kanyang dating nakaalitan na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ginawa ni Alvarez ang pahayag matapos muling mahalal bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao del Norte.

Ayon kay Alvarez, handa umano siya magpakumbaba upang tuldukan na ang alitan na namagitan sa kanila ng presidential daughter.

“I offer my hand in peace to heal our deep and divisive wounds,” saad ni Alvarez.

“Borrowing the words of a statesman from an era long past: A house divided against itself cannot stand… though passion may have strained, it must not break our bonds of affection. We are not enemies, but friends. The mystic chords of memory will swell when again touched, as surely they will be, by the better angels of our nature,” dagdag pa ng kongresista.

Makasaysayan ang resulta ng nakaraaang halalan sa lalawigan ng Davao del Norte matapos ilampaso hindi lamang ni Alvarez kundi ng buong slate ng PDP-Laban ang naghaharing mga angkan ng Pamilya Floirendo at del Rosario sa nasabing probinsya.

Tinalo ni Alvarez si incumbent Gov. Anthony Del Rosario habang ang pinsan naman ni Del Rosario na si 2nd district Congressman Antonio ‘Tony Boy’ Floirendo ay tinalo ni incumbent Vice Gov. Dujali.

Si Floirendo ay dating matalik na kaibigan na kalaunan ay naging mortal na kaaway ni Alvarez.

Tinawag na ‘asshole’ ng presidential daughter si Alvarez noong isang taon matapos kumalat ang balita na binansagan umanong miyembro ng oposisyon ng dating Speaker si Mayor Sara matapos nitong itatag ang kanyang sariling partido, ang Hugpong ng Pagababago (HNP) kasama sina Del Rosario, Floirendo at tatlo pang gobernador mula sa Davao Region.

Si Mayor Sara ang itinuturong nasa likod ng matagumpay na pagpapatalsik kay Alvarez bilang lider ng Kamara noong isang taon.

Nitong Martes, inamin ni Alvarez na muli niyang tatangkain na sungkitin ang pagiging Speaker ng Kamara. (JC Cahinhinan)