Abante Tonite Interactive

Alyssa Valdez, marami pang kakaining bigas

By
1,766

Palembang City — Isang certified volleyball superstar si Alyssa Valdez sa bansa.

Alam din marahil ng Indonesians kaya 2 beses nang nalagay ang kanyang litrato sa daily 18th Asian Games 2018 Jakarta Palembang News parehong sa pahina 12.

Kasama siya sa Phili­ppine national team na nakipagpaluan sa women’s indoor volleyball ng quadrennial multi-sport meet sa Jakarta City, Indonesia rin kung saan pumang-8 ang bansa mula sa 11 kalahok.

Isa pang dagok ito para sa 25 taon, at tubong San Juan, Batangas na volleybelle pagdating sa kredensiyal niya sa abroad o international competitions.

Sikat na sikat talaga sa mga Pinoy, pa-autograph, pa-selfie, kung saan siya makita.

Pero wala pa siya sa kalingkingan ng ibang matatawag na icon ng sport gaya ng mga miyembro ng huling national women’s volleyball team na lang na namayagpag o naka-gold sa 1993 Singapore Southeast Asian Games.

Isa sa kanila ang gumawa na rin ng sariling pangalan sa canoe, kayak, tradional boat o dragon boat na si Leonora ‘Lenlen’ Escollante, nagsilbing head coach ng canoers at paddlers dito sa magwawakas ngayong Asiad.

Hindi na mabilang ang mga naibigay na medalya – gold, silver, bronze ni Escollante sa bansa.

Pero hindi siya kasingsikat ni Alyssa. Pero huwag ka, icon na ito si Escollante sa ball game at maging sa ginagalawang water sport.

Ilan naman sa masaklap pang marka ni Valdez sa national team bukod sa 8th dito ay ang 5th at 4th sa huling dalawang Southeast Asian Games noong 2015 Singapore at 2017 Malaysia, 8th sa Biñan 2017 Asian Women’s Championship, at 7th sa 2015 Biñan Asian Women’s Under-23 Championship.

Ang 3 pa lang niyang medal ay bronze sa 2016 Singapore ASEAN University Games, sa 2014 Palembang AUG, at sa 2017 Thai-Denmark Super League bilang kasapi ng 3BB Nakonnont team ng Thailand.